85,757 total views
Mga Kapanalig, huling araw na ng Abril! Alam n’yo ba na ipinagdiriwang ang Filipino Food Month sa buwang ito? Sa iba’t ibang lugar sa bansa, may mga isinasagawang culminating activities ngayon para isara ang selebrasyon.
Sa isang proklamasyon ni dating pangulong Duterte noong 2018, binigyang-diin ang sinasabi sa 1987 Constitution tungkol sa pagbibigay ng suporta sa agrikultura at ang pagkilala ng National Cultural Heritage Act of 2009 sa pagkain bilang parte ng ating kultura. Ang pagdiriwang ng Filipino Food Month ay makatutulong sa pagpasa ng ating tradisyon sa mga susunod na henerasyon upang hindi mawala ang ating pagka-Pilipino na nakakabit sa ating pagkain.
Pero paano kung marami sa atin ang nagugutom at patuloy na hindi nabibigyan ng suporta ang ating mga magsasaka at mangingisda?
Sa isang survey na inilabas noong Marso ng Social Weather Stations (o SWS), sinabing 27% ng mga pamilyang Pilipino (o nasa 7.5 milyong pamilya) ang nakaranas ng involuntary hunger. Ibig sabihin, sa nakalipas na tatlong buwan mula noong sumagot sila sa survey, nakaranas ng gutom ang kanilang pamilya ng isang beses o higit pa. Mula noong pandemya, ito na raw ang pinakamataas na antas ng involuntary hunger, kasunod ng halos 31% noong Setyembre 2020.
Ayon naman sa datos ng Philippine Statistics Authority, marami pa ring mga magsasaka at mangingisdang mahirap. Ang kanilang buwanang kita ay mas mababa sa poverty threshold o ang pinakamababang halaga ng kita na sapat upang makabili ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng isang pamilya.
Gagawan naman daw ng paraan ng pamahalaan ang problema ng kagutuman. Pinag-aaralang taasan at dalasan ang pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program, kung saan 300,000 na pamilya ang binibigyan ng ₱3,000 bawat isa para sa pagkain kada buwan.
Sapat ba ito? Mainam ang pagtugon sa mga agarang pangangailangan ng ating mga kababayan para masigurong hindi kumukulo ang kanilang tiyan habang sila ay nag-aaral o nagtatrabaho. Pero mahalaga ring tingnan ang pangmatagalang solusyon sa problemang ito. Paano masisigurong hindi aasa lamang sa ayuda ang mga Pilipino?
Simulan dapat ng gobyerno sa pagtiyak sa food security ng bansa, na makakamit sa isang produktibong agrikultura. Siguruhin dapat na mismong ang mga magsasaka at mangingisda ay nabibigyan ng sapat na suporta at hindi sila nagugutom at naghihirap. Sa ganitong paraan, mapasisigla ang sektor ng agrikultura at hindi mapanghihinaan ng loob ang mga mamamayang maging magsasaka o mangingisda. Ang mga trabaho ay dapat nagbibigay ng sahod na nakabubuhay at sapat para makabili ang mga pamilya ng masusustansyang pagkain.
Labag sa karapatan at dignidad ng tao ang kagutuman. Kung ito ay natutugunan, mabibigyang-lakas ang bawat isa na kumilos para sa kabutihang panlahat, sabi ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti. Kung matatanggal ang kagutuman, mababawasan ang mga hadlang sa pag-aambag ng bawat Pilipino sa kabutihang panlahat. Malaya silang makaaambag sa ikabubuti ng ating lipunan nang hindi kumukulo ang tiyan.
Mga Kapanalig, ang pagka-Pilipino nating nakakabit sa pagkain ay hindi lamang nakatuon sa pagpapayaman ng kultura o turismo. Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Filipino Food Month, tugunan din dapat ng pamahalaan ang mga kumukulong tiyan ng mga pamilya at ang naghihingalong sektor ng agrikultura. Sa ganitong paraan, maihahanda ang bawat isa sa atin sa paglilingkod, gaya ng sabi sa Efeso 4:11-12.
Sumainyo ang katotohanan.