16,790 total views
Magsagawa ng pagkilos na tinaguriang Candy-Giving Campaign ang mga Pro-life Youth upang mapigilan ang paglaganap ng makamundong diwa ng Valentine’s Day sa February 14, 2025.
Ayon kay Pro-life Philippines board member Nirva Delacruz, bilang tugon sa kadalasang pagpapalaganap ng makamundong diwa ng Araw ng mga Puso ay magsasagawa ng ‘candy-condom swap’ ang mga kabataang kinatawan ng iba’t ibang pro-life groups upang maisulong ang paninindigan sa kasagraduhan ng buhay, katawan at kalayaan na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat nilalang.
Bilang tugon sa kadalasang pamamahagi ng mga condom tuwing Araw ng mga Puso ay isasagawa ng mga Pro-life Youth ang pagkikipagpalit ng mga ito para sa mga libreng candy, rosaryo at stickers na mayroong mga pro-chastity messages.
“We think it’s a powerful way of making a stand in a culture that really wants to push other types of beliefs about the human body, love, and sexuality, especially during Valentine’s.” Bahagi ng pahayag ni Delacruz.
Pagbabahagi ni Delacruz, isasagawa ng mga Pro-life Youth Candy-Giving Campaign sa ika-14 ng Pebrero, 2025 sa Dangwa Flower Market sa Maynila kung saan kadalasang namamahagi ang iba’t ibang mga grupo at kumpanya ng condom para sa mga bumibili ng mga bulaklak kasabay ng Valentine’s Day rush na karamihan ay mga kabataan.
Giit ni Delacruz, mahalagang maunawaan ng mga kabataan na kaakibat ng tunay na pag-ibig ang kakayahang makontrol ang sarili mula sa anumang makamundong bagay na isang pagbibigay halaga at respeto sa espesyal na taong kanilang minamahal.
“We discovered that this is where [they] put up stands and hand out condoms to get young people to associate love with being promiscous and sexually active which is actually the opposite. Love means you can control your impulses in the light of wanting what is best for that special person in your life.” Dagdag pa ni Delacruz.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Delacruz na nakaugat ang problema ng teenage pregnacies sa bansa sa kahalagahan na mapatatag ang samahan ng pamilyang Pilipino na nagsisilbing unang batayan sa konsepto ng pag-ibig at pagmamahal ng bawat indibidwal lalo’t higit ng mga kabataan.
Paliwanag ni Delacruz, kung maaagang mamumulat ang mga kabataan sa tunay na diwa ng pag-ibig at pagmamahal na pagsasakripisyo at paggalang sa taong minamahal ay hindi na kakailanganin pang gabayan ang mga kabataan mula sa konsepto ng pagpapahayag ng pag-ibig sa makamundong pamamaraan.
“We believe that every person first learns how to love in the family. If the family is strong, young people will instinctively know that love is about self-control and sacrifice. Instead of copy-cat laws from the West that want to push sex education, let’s strengthen Filipino families.” Ayon pa kay Delacruz.
Katuwang ng Pro-life Philippines sa pagsasagawa ng Candy-Giving Campaign sa Valentine’s Day ang iba pang mga kabataang kasapi ng Filipinos for Life, Singles for Christ (SFC), Young Catholics PH, at mga indibidwal na nakikiisa sa layunin ng gawain.
Kaugnay nito batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2022 umabot sa 150,138 ang bilang ng mga sanggol na ipinanganak ng mga adolescent mothers o katumbas ng 10% mula sa kabuuang registered births sa nasabing taon.