8,531 total views
Iginiit ng head chaplain ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) ang mahalagang ugnayan ng pananalangin at pagkilos na humahantong sa makabuluhang gawain para sa kapwa.
Ayon kay Jesuit priest Fr. Marlito Ocon, ang panalangin ay hindi lamang nakatuon sa paghingi o pasasalamat, kundi dapat magsilbing gabay at lakas upang kumilos sa kalooban ng Diyos.
Ginawa ni Fr. Ocon ang mensahe kaugnay sa pagdiriwang sa 33rd World Day of the Sick kasabay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes noong February 11.
“Prayer and Action is prayer in action…It means that prayer fuels action. When we pray, God strengthens and guides us to serve others especially those in need. Then action becomes prayer. When we serve others with love, our work itself becomes a form of prayer. Only then when faith becomes alive through works,” ayon kay Fr. Ocon.
Ipinaliwanag ni Fr. Ocon na kaakibat ng panalangin ang pagkilos, tulad ng pagkakawanggawa, upang matugunan ang pangangailangan ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Sa ganitong paraan, ayon sa pari, ang pagkilos para sa kapwa ay nagiging isang buhay na panalangin.
Kabilang si Fr. Ocon sa mga hospital chaplains at chaplaincy ministers mula sa mahigit 20 pampubliko at pribadong ospital sa Arkidiyosesis ng Maynila na dumalo sa Healing Mass na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral noong Martes.
Pagkatapos ng misa ay nagtungo ang Archdiocese of Manila Ministry on Health Care sa Pandacan, Manila kung saan isinagawa ang medical at dental mission para sa humigit-kumulang 350 maralita at maysakit.
“We thank the Lord for the gift of prayer, where we can seek His presence and wisdom. But Lord, let not our prayers end with words—move our hearts to action. Let our hands do Your work, our feet walk in Your ways, and our hearts reflect Your love,” dalangin ni Fr. Ocon.