7,695 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang lahat na patuloy na yakapin ang mahabaging pag-ibig ng Diyos.
Ito ang mensahe ni Camillian priest, Fr. Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Healthcare, para sa ika-33 World Day of the Sick na kasabay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes.
Ayon kay Fr. Cancino, ang paggunita sa mga may karamdaman ay paanyaya para sa Simbahan na muling pagtibayin ang pangakong gawing “bahay ng pag-asa” ang lipunan, katuwang ang lahat ng mananampalataya at mga taong may mabuting kalooban.
“To all people who are sick, the condition of suffering in which you live and the wish to recover health make you particularly sensitive to the value of hope- “hope that never disappoints” (Romans 5:5),” mensahe ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang-diin din ng pari na ang pakikinig sa Salita ng Diyos, pananalangin, at pagtanggap ng mga sakramento ay nagbubuklod sa mga tao bilang isang puso at kaluluwa, na siyang nagiging daan tungo sa tunay na pagkakaisa at kusang-loob na pagbabahagi ng sarili para sa kapwa.
Dagdag pa ni Fr. Cancino, kasabay ng pagdiriwang ng Taon ng Hubileyo bilang “Mga Manlalakbay ng Pag-asa,” hinihikayat ang Simbahan na palawakin ang mga pagsisikap upang maisakatuparan ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa kalusugan, pagtatanggol sa buhay at dignidad ng tao, at pagbibigay-pansin sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan.
“We are called to enhance her efforts to translate the communion into concrete projects presenting the subjects of health and illness in the light of the Gospel; encourage the advancement and defense of life and the dignity of the human person; and make the preferential option for the poor and the marginalized,” ayon kay Fr. Cancino.
Tema ng 33rd World Day of the Sick ang “Hope does not disappoint” (Romans 5:5), but strengthens us in times of trial, na nagpapaalala sa lahat na ang pag-asa sa Diyos ay nagbibigay-lakas sa gitna ng pagsubok.