2,737 total views
Liwanag, kapunuan at pagsasama-sama.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pagidiriwang ng mga Pilipino ng simbang gabi o siyam na araw na misa nobenaryo sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ni Hesus.
Sa panayam ng Radio Veritas, ipinaliwanag ni Cardinal Advincula na si Hesus ang ilaw na nagbibigay sa sanlibutan puno ng dilim bunsod ng karahasan at kasamaan gayundin ang nagpupuno sa anumang kakulangan ng tao.
“Si Hesus ang liwanag ng daigdig na tatanglaw sa atin. Si Hesus ang tinapay ng buhay na bubusog sa ating mga gutom. Si Hesus ang Emmanuel na kalakbay at kakampi natin sa buhay.” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Pinuri ng arsobispo ang pagiging masigasig ng mga Pilipino sa pagdalo ng mga Misa De Gallo at Simbang Gabi na nagpapakita ng kagalakan ng bawat isa sa pagdating ni Hesus.
Sinabi ni Cardinal Advincula na ang mga karanasan tuwing simbang gabi ang dahilan sa pagiging masigasig ng mamamayan upang buuin ang pagdalo sa siyam na araw na nobenaryo.
“Ito’ng alok na karanasan sa atin ng simbang gabi tulad ng liwanag, kabusugan at pagsasama-sama, na siya ring dahilan marahil kung bakit sa kabila ng mga paghihirap at krisis na dinaranas nating mga Pilipino, patuloy tayong bumabalik sa mga simbahan para sa simbang gabi. Dahil marahil ang tatlong karanasan na ito, ang siyang pinakaaasam din natin at kinakailangan natin.” pahayag ng Cardinal.
Umaasa naman si Cardinal Advincula na hindi lamang sa mga simbang gabi aktibo ang mananampalataya kundi sa bawat araw o linggong pakikibahagi sa Eukaristiya.
December 16 nang simulan sa bansa ang tradisyunal na Misa De Gallo bilang paghahanda ng mga Pilipino sa araw ng Pasko.
Ngayong taon ay msa niluwagan ng pamahalaan ang restriksyong dulot ng COVID-19 na mahigpit ipinatupad sa nakalipas na dalawang taon.