152 total views
Ikinalulungkot at ikinadismaya ni Manila Archbishop at Caritas Internationalis President Luis Antonio Cardinal Tagle ang panibagong suicide bombing sa Pakistan sa pagdiriwang ng Linggo ng Pagkabuhay na karamihang biktima ay mga bata.
Ayon kay Cardinal Tagle, isang malaking paalala ito sa mananampalatayang Katoliko na sa kabila ng selebrasyon ng pagkabuhay ni Hesus ay nagpapatuloy pa rin ang paglaganap ng kasamaan at kawalang paggalang sa dignidad at buhay ng tao.
“Mga kapanalig, nakatanggap na naman tayo ng isang malungkot na balita na nangyari sa Pakistan, eto po ay malapit-lapit na sa atin sa araw pa naman ng muling pagkabuhay ng panginong Hesukristo ay nagkaroon ng suicide bombing sa Gulsman Lahour City Pakistan. Karamihan po ng namatay ay bata dahil nasa park at maraming sugatan ito po ay paalala sa atin na bagamat tayo bilang mga Kristiyano ay nagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Hesus ay patuloy pa rin po ang paglaganap ng kasamaan, ng bulag at manhid na paglapastangan sa buhay at karangalan ng tao.” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas
Sa kabila nito, hinikayat ng Kardinal ang mga mananampalataya na huwag mawalan ng pag-asa dahil tunay na nabuhay muli ang panginoon at tanging si Hesus lamang at kabutihan ang makatatalo sa kasamaan ng mundo.
“Pero huwag po tayo mawawalan ng pag-asa, maniwala po tayo ng may malalim na katatagan, tunay na nabuhay si Hesus ang tagumpay niya ay tunay at hindi dapat matalo ng kahit na anong kasamaan ang ating pananampalataya. Sabi nga po ni San Pablo, ang kasamaan ay malulupig lamang ng kabutihan at ang kabutihan na yan ay si Hesus.”panawagan ni Cardinal Tagle.
Hinikayat din ng Kardinal ang lahat ng mananampalataya na ipagdasal ang mga taong gumagawa ng pagpapasabog at lahat ng mga taong may masamang naisin at layunin sa kapwa malinawagan ang isip at maantig ang kanilang puso upang magbalik loob sa Diyos.
“Mapagmahal na Ama patawarin mo po ang mga gumagawa ng ikakamatay at ikakapinsala ng kapwa nila. Tunay na mukhang nalalabuan sila hindi nila alam ang kanilang ginagawa liwanagan mo po ang kanilang puso at isip makita nila ang kapwa at kapatid sa kanilang mga sinasaktan. Ipinapanalangin din po namin ang mga namatay, ang mga yumao sa inyong awa at habag. Patawarin niyo ang kanilang pagkukulang at tanggapin sila sa iyong kaharian. Ipinapanalangin natin ang mga nagdadalamhati lalu na ang mahal sa buhay ng mga pumanaw. Ipinapanalangin naming ang mga sugatan higit sa lahat ipinapanalangin namin ang lahat ng nagdurusa sa buong mundo dala ng karahasan, ang iyung tagumpay nawa kay Hesus na muling nabuhay ay madama, maipakita lalu na ng mga Kristiyanong sumasaksi sa iyo”. panalangin ni Cardinal Tagle
Sa ulat ng Lahore rescue, umaabot sa 65-katao ang namatay at 340 ang nasugatan kabilang na ang 50-mga bata sa suicide bombing sa isang park sa Pakistan.