187 total views
Nanawagan si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa Commission on Elections na sundin ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pag-imprenta ng resibo ng balota o voter’s receipt sa nakatakdang eleksyon sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Inihayag ng Obispo na ito rin ang panawagan at nasasaad sa Liham Pastoral ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines o CBCP noong ika-31 ng Enero na may titulong “The Eucharist and Election” upang matiyak ang kredibilidad at matapat na halalang pambansa.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, malaki ang maitutulong ng pag-iimprenta ng resibo ng balota o voter’s receipt upang maging kapani-paniwala ang resulta ng pambansang halalan.
“Ako po ay natutuwa sa desisyon ng Supreme Court kasi ito din po ang panawagan ng CBCP, sa aming Pastoral Letter noong January 31 – The Eucharist and Election na gawing kapani-paniwala ang eleksyon, ang isang bahagi ng pagpapakapani-paniwala na sundin ang mga nakalagay sa batas at ayon sa batas meron tayong tinatawag na resibo, yung voters verifiable paper trail kaya mabuti yan ay pinanindigan ng Supreme Court at sana ay sumunod ang COMELEC dyan, maghanap ang COMELEC ng paraan paano yan magawa kasi yan po ang magbibigay ng assurance na kapani-paniwala ang ating eleksyon, kaya nananawagan ako sa COMELEC na tuloy tuloy na ipatupad nila ang hinihiling ng Supreme Court na naaayon sa ating batas…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok din ng Obispo ang COMELEC na iwasan ang pagdudulot ng pangamba sa mga mamamayan kaugnay sa isinasagawang paghahanda sa nakatakdang halalan.
Pinayuhan naman ni Bishop Pabillo ang COMELEC na gawin at gamitin nito ang kanilang malawak na makinarya upang puspusang gampanan ang kanilang mandato sa pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa na malayo sa kaguluhan at karahasan batay na rin sa Republic Act No. 7166.
Nasasaad sa Republic Act (RA) 939 o Automated Election Law nararapat na magkaroon ng safety features ang balota at ang makinaryang gagamitin sa Automated Election partikular na ang ballot verification o ultra violet detectors, source code review, voter verified paper audit trail at digital signature ng sinumang mangangasiwa sa halalan.
Magugunitang, noong nakalipas na halalan nakapagtala ng 2.3 percent Discrepancy sa Accuracy ng PCOS Machine.
Bukod dito, patuloy rin ang panawagan ng Simbahan sa bawat mamamayan na maging mapagbantay sa proseso at kabuuang sistema ng halalan at manindigan sa katotohanan upang tunay na maihalal ang karapat-dapat na lider na maglilingkod ng buong katapatan sa bansa.