155 total views
Naibalik na sa normal ang operasyon ng website ng Commission on Elections (Comelec) matapos itong ma-hacked kagabi ng nagpakilalang mga miyembro ng grupong “Anonymous Philippines” kung saan pinalitan nila ang nilalaman ng kanilang mensahe.
Ayon kay Comelec chairman Andres Bautista, humingi na siya ng paliwanag sa kanilang IT Department kung paano nangyari ang hacking at kung paano hindi na ito maulit pa.
Dahil dito, nanawagan si Bautista sa mga IT experts na gumawa ng mga hakbang upang hindi na maulit ang hacking na hindi lamang nagaganap sa Comelec kundi sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno at ito ay hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
“Opo nangyari po yan kagabi, humingi na ako ng paliwanag mula sa aming IT department kung pano ito nangyari at ano ang gagawin namin para hindi na maulit ito, pero ngayon naibalik na daw yung website at functioning na, ito ay nangyayari hindi lamang sa Comelec kundi sa ibat ibang ahensya ng pamahalaan at hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo, pero dapat kinakailangan may ipinatutupad tayong safeguards para hindi maulit muli.” Pahayag ni Bautista sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa halip na opisyal na website ng poll body ang makikita, naging laman ng website ng Comelec na puspusang babantayan ng Anonymous Philippines ang nalalapit na halalan kayat kinakailangang ipatupad ng ahensiya ang lahat ng mga nasasaad sa batas hinggil sa automated elections.
Mensahe naman ng Comelec chairman sa mga nag-hacked na matagal na nilang ipinatutupad ang batas hinggil sa mga safeguards.
“Meron po, lahat daw ng safeguards dapat ilagay sa ating batas dapat ipatupad ng Comelec, yun naman sinasabi namin lahat ng safeguards ng nakasaad sa ating automated elections law sa R.A. 8436 as amended by 9369 lahat po yan, sisiguraduhin natin na nandiyan sa darating na halalan gaya ng digital signature, source code, resibo at marami pang iba, ipapatupad natin lahat , kaya kung sino man ang nag-hack I hope di na nilang gawin muli kasi nga andiyan na ang mga safeguards.” Dagdag pa ng Comelec chairman.
Nakatakda ang local and national elections sa May 9, 2016 elections na may 54.6 milyong rehistradong botante at mahigit 18,000 na posisyon.