139 total views
Dapat sisihin ang mga gumagawa ng batas at maging ang mga botante sakaling naluluklok pa rin sa puwesto ang mga kandidatong may mga kaso pa rin sa korte o yung nagmula sa political dynasties.
Ito ang binigyang diin ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal kaugnay na rin ng mga opisyal ng gobyerno na bagamat nakakulong ay nakakaupo pa rin sa puwesto dahil naihahalal pa ng taong bayan.
Ayon kay Atty. Macalintal, hindi rin nagagamit ng tama ng mamamayan ang ‘rights of suffrage’ sa tuwing eleksyon dahil na rin sa political dynasties at bagamat may mga kuwalipikadong tao sa posisyon, hindi naman kumakandidado ang mga ito.
“Yan ang problema sa ating judicial system, hanggat hindi napapatunayan with final judgment ang ating SC ay puwede pa rin sila tumakbo kaya kahit nakakulong puwede pa rin silang magpatuloy ng naayon sa batas, kaya minsan di mu masisisi ang kandidato kundi ang batas at ang gumagawa ng batas, maging ang taong bayan, hindi natututo sa pagboto yung tamang paggamit ng right of suffrage, yung mga kandidato naman kahit may mga kaso tumatakbo pa rin uli… sa ibang bansa, hindi na tumatakbo ang mga may kaso kasi hindi na sila iboboto…” pahayag pa ni Atty. Macalintal.
Kaugnay nito, labis namang nalulungkot si Atty. Macalintal dahil sa mga ‘unopposed candidates’.
Aniya, ito ay dahil hindi nabibigyan ng pagkakataon ang iba na makaupo sa posisyon dahil produkto ng political dynasties ang laging naluluklok sa puwesto gaya sa Ilocos Norte sa katauhan ni Imee Marcos at sa Pampanga naman si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Sa tuwing halalan , para sa akin hindi masyadong maganda yan, hindi nagkakaroon ng pagkakataon ang taong bayan na magbago ang kanilang lugar, ang nangyayari kasi yung family dynasties andiyan pa rin dahil kontrolado nila ang area, hindi nagkakaroon ng new blood sa political arena at yan ang problema natin, hindi nabibigyan ng pagkakataon ang taong bayan na pumili ng iba, bakit ganoon kaya ang nangyayari sa halalan. no choice talaga.” Ayon pa sa election lawyer.
Kabilang ang 2 kandidato sa 542 unopposed candidates ngayong May 9 local and national elections.