244 total views
Naglabas ng Oratio Imperata ang kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para matugunan ang paglaganap ng sakit na dengue at leptospirosis.
Nanawagan si Cardinal Tagle sa mga mananampalataya, lahat ng mga pari, parokya, at mga relihiyoso sa Archdiocese of Manila na dasalin ang panalangin simula ngayong linggo unang araw ng Septyembre 2019.
Inihayag sa panalangin ang paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan ng tao sa kalikasan, dahil ang maruming kapaligiran ang nagdadala ng mga nakamamatay na sakit sa tao.
NARITO ANG ORATIO IMPERATA PARA SA DENGUE AT LEPTOSPIROSIS:
Makapangyarihan at mapagmahal na Ama, nagpapasalamat kami sa handog mong buhay, sa pagkalinga mong nagpapanatili sa amin, at sa karunungan mong gumagabay sa takbo ng aming buhay.
Patawarin mo ang aming mga kasalanan sa iyong pag-ibig, sa aming kapwa, at sa kalikasan. Gawin mo kaming mabuting katiwala ng iyong mga nilikha.
Sumasaamin ngayon ang salot ng dengue fever at leptospirosis na nagpapahirap sa marami at kumitil ng maraming buhay. Nagmamakaawa kami, mapagmahal na Ama. Iligtas mo kami sa mga ito at sa lahat ng uri ng karamdaman.
Pagalingin mo ang mga maysakit. At buhayin mo sa amin ang pagkakawanggawa upang kalingain namin ang bawat isa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristong Anak mo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo iisang Diyos, magpasawalang hanggan.
Amen.
Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo kami. San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo kami. San Roque, ipanalangin mo kami. San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami. San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
Batay sa ulat ng Deapartment of Health ngayong buwan ng Agosto, umabot na sa 146, 062 ang bilang ng mga kaso ng dengue na naitala simula Enero hanggang ika-20 ng Hulyo 2019 na 100-porsiyentong mataas kumpara noong 2018.
Mula dito nakapagtala na din ang ahensya ng 622 bilang ng mga pumanaw sa karamdaman.
Dahil dito, kumikilos na din ang Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Black Nazarene Foundation, Caritas Manila at Roman Catholic Archdiocese of Manila Disaster Response Ministry.
Para makatulong sa pagtugon sa dengue outbreak, nagkaloob ang Black Nazarene Foundation, Caritas Manila at RCAM Disaster Response Ministry ng 500,000 piso sa Archdiocese of Jaro.
Ayon kay Father Ric Valencia, taga-pangasiwa ng RCAM Ministry on Environment and Disaster Response, ang nasabing halaga ay ilalaan para tugunan ang suliranin sa dengue ng Iloilo at mga karatig lalawigan sa Region VI.
Base sa Dengue Surveillance Report ng DOH, ang mga lalawigang ito sa ilalim ng Region VI Western Visayas ang may pinaka mataas na kaso ng Dengue na 23,330.
Patuloy naman ang panawagan ng simbahan na sundin at ugaliin paring gawin ang 4S strategy laban sa Dengue na (1) Search and Destroy o hanapin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok, (2) Self Protection measures sa pamamagitan ng pagsusuot ng pantalon at damit na may mahabang manggas at paglalagay ng insect repellant, (3) Seek Early Consultation o ang maagap na pagkonsulta sa doctor sakaling makaramdam ng mga sintomas ng dengue, at ang huli ay (4) Support Fogging lalo na sa mga lugar na idineklara na ang ourbreak sa naturang sakit.
Sa record ng D-O-H noong 2018, nakapagtala ang ahensiya ng 910 kaso ng leptosporosis kung saan 96 katao ang nasawi sa impeksyon.