522 total views
Pinagtibay ng Caritas Manila ang pakikipagtulungan sa Non-Government Organization (NGO) na Angat Buhay (Angat Buhay NGO) sa pamamagitan ng contract signing ng Memorandum of Agreement.
Layon ng partnership sa pagitan ng Caritas Manila na palakasin ang mga programa para sa mahihirap katulad ng disaster relief at feeding programs.
Tiwala si Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila na maraming mahihirap at mga nagugutom na kabataan ang maliligtas sa pagtutulungan ng social armed ng Archdiocese of Manila at Angat Buhay.
“Alam natin na bagong NGO itong Angat Buhay na kung saan tayo makikipag-ugnayan in raising funds in-cash or in-kind upang tayo ay makalikom ng pondo para sa mga common programs, katulad ng NGO. Malakas tayo sa linkaging at networking, lalu-lalu na sa panahong ito na maraming mga kabataan na kailangan natin iligtas sa lalung madaling panahon.” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas
Inaasahan naman ni Raphael Magno Martin, executive director ng Angat Buhay na sa pakikiisa ng N-G-O sa Caritas Manila ay higit na mapapabilis ang pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap na pamilya at mga nasasalanta ng sakuna, bagyo at kalamidad.
“Paulit-ulit na sinasabi sa amin ng aming Chairwoman na si Atty.Leni Robredo na dapat hindi pinapahintay yung ating mga kababayan lalung-lalu na kapag panahon ng sakuna at kalamidad. So ang partnership na ito kasama ng Caritas Manila, matutulungan ang ibat-ibang sektor na maapektuhan ng sakuna at kalamidad sa Pilipinas.” panayam ng Radio Veritas kay Martin.
Sa pamumuno ni dating Vice-president Leni Robredo ay opisyal na itinatag ang Angat Buhay NGO noong Hulyo 2022 upang tugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa edukasyon, kalusugan at sa oras ng kalamidad.