226 total views
Pinaalalahanan ni Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga magulang na huwag mangamba sa implemetasyon ng K -12 sa bansa.
Ayon kay San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, ito’y dahil tumutulong naman ang pamahalaan lalo na sa pagbibigay ng mababang matrikula katuwang na rin ang mga Catholic private schools.
Hinimok rin nito ang mga Catholic private schools sa mga Arkidiyosesis at diyosesis sa bansa na babaan ang kanilang sinisingil na tuition fee sa P17,500 na sapat sa ibibigay ng Department of Education sa mga mag – aaral mula sa pampublikong paaralan na lilipat sa mga pribadong ekwelahan.
“Yung DepEd kinausap rin yung mga private Catholic schools na huwag ng magtaas ng tuition fee kung medyo mataas ang tuition fee nila i – adjust na nila sa P17,500 para sa ganoon ay wala ng idaragdag na tuition fee yung mga bata,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Veritas Patrol.
Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) bumaba ang bilang ng Out- of-School Youth sa Pilipinas mula sa 2.9 na milyong batang hindi nag-aaral noong 2008 ay bumaba ngayon sa 1.2 milyon na lamang nitong 2015.
Nauna na ring hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga Catholic schools na maghandog ng murang tuition fees na abot–kaya ng mahihirap.
Samantala, nagpapatuloy naman ang Caritas Manila sa pagbibigay ng scholarship program sa 5,000 mag – aaral sa kolehiyo sa buong bansa sa programa nitong Youth Servant Leadership ang Education Program o YSLEP.