35,953 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Ecumenical Affairs (CBCP-ECEA) at ang National Council of Churches in the Philippines (NCCP) ng pagkilos para sa katarungan, pananagutan, at pangangalaga sa kalikasan, kasabay ng pagtatapos ng Season of Creation 2025
Sa pinagsanib na pahayag na “Peace with Creation: A Call for Justice, Accountability, and Ecological Integrity”, binigyang-diin ng dalawang institusyon na ang tunay na kapayapaan ay makakamtan lamang kung may katarungan at integridad sa ugnayan ng tao, kalikasan, at Diyos.
Anila, hindi maikakaila ang lumalalang krisis na kinakaharap ng bansa—mula sa pagbabago ng klima, pagkasira ng kalikasan, hanggang sa matinding pinsala ng katiwalian.
“The prophet Isaiah paints a vivid picture of a world devastated by injustice and the fractured relationship between humanity and God. This is a picture that resonates with the Philippines today,” pahayag ng CBCP-ECEA at NCCP.
Nabanggit sa pahayag na ayon sa World Risk Index, tatlong taon nang itinuturing ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa mga sakuna.
Mariing iginiit ng CBCP-ECEA at NCCP na ang katiwalian ay hindi lamang sumisira sa ekonomiya kundi naglalagay din sa panganib sa buhay ng mahihirap at mga bulnerableng sektor.
Sinabi pa ng magkatuwang na samahan na ang pondong dapat sana’y ginagamit para sa disaster risk reduction at climate adaptation ay nauuwi sa maling proyekto at pansariling interes.
“It is a call to reflect on our stewardship of God’s gifts and to seek justice, transparency, and care for the poorest, most vulnerable and most marginalized,” giit ng magkatuwang na organisasyon.
Kasabay nito, nanawagan ang CBCP-ECEA at NCCP ng mahigpit na pananagutan sa lahat ng sangkot sa katiwalian, lalo sa mga proyektong pangkapaligiran at imprastruktura na dapat sana’y nakatutulong sa kaligtasan ng mamamayan.
Hinikayat din ng dalawang institusyon ang lahat ng Kristiyanong denominasyon at simbahan na magkaisa sa pagsusulong ng mabuting pamamahala, katarungan, at ekolohikal na integridad.
“This pursuit is not optional—it is a Christian and ecumenical responsibility,” saad ng pahayag.




