202 total views
Hinimok ng CBCP Episcopal Commission on Healthcare ang mamamayan lalo na ang mga healthcare workers na gamitin ang nalalabing panahon lalo na ngayong bakasyon at summer upang tulungan ang mga komunidad na nangangailangan ng medikal na atensyon.
Ayon kay Rev Fr Dan Cancino, Executive Secretary ng komisyon, bukod sa mahalagang matiyak ang kalusugan ng mamamayan, malaking ambag din ito sa pagpapalaganap ng panahon na ipinagdiriwang ng Simbahan , na extra ordinary Jubilee Year of Mercy.
“Eto yung mga panahon lalo na ngayong summer to join yung mga missions, yung mga medical missions, mag reach-out tayo sa ating mga komunidad. Ito rin ay isa sa mga paraan para ipagdiwang yung Jubilee year of Mercy.” Pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas.
Paliwanag pa ng pari, sa pagsasagawa ng corporal works of mercy na pagtulong at pagdalaw sa mga maysakit, ay natutugunan natin ang panawagan ng Santo Papa na ipalaganap ang pag-ibig ng Panginoon sa ating kapwa.
“Isang part dito yung Corporal Works of Mercy na reaching out to the sick, reaching out to those in need, at ito yung panawagan na magmatyag hindi lamang sa kalusugan ng sarili natin, sa ating pamilya, pero lumabas tayo, magmatyag at tumulong para sa kalusugan ng iba.” Dagdag ng Pari.
Sa datos ng University of the Philippines National Health Institute, anim sa sampung Filipino ang namamatay ng hindi man lamang nadadala sa ospital o nasusuri ng mga doktor.
Sa ulat ng United Nations noong 2012, umabot sa 6 na milyon ang mga batang malnourished sa Pilipinas na nangangailangan rin ng medical assistance.
Dahil dito, muling binigyang diin ni Fr. Cancino sa mga mananampalataya, na gugulin ang kanilang panahon sa makabuluhang bagay tulad ng pagtulong sa mga nangangailangan.