211 total views
Ikinatuwa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples ang planong pagtutok ni president-elect Rodrigo Duterte laban sa mga illegal recruitment agencies.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, isang mabuting balita ito para sa mga overseas Filipino workers at sa mga nagbabalak na mangibang bansa upang maiwasang mabiktima ng illegal recruiters.
“Ito ay magandang balita para sa ating mga minamahal na OFW na kung saan sa kanyang panunungkulan ng ating bagong halal na pangulo ay kanyang paparusahan ang mga illegal recruiters. Ito ay sadyang tama lamang gawin na dapat silang parusahan at ito ay magkakaroon ng magandang mensahe sa ating mga kababayan na kung saan ay talagang binibigyang pagpapahalaga ang kanilang kalagayan ang kanilang katayuan at sila ay pinapangalagaan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Pabor naman si Bishop Santos sa pagpapatong ng kaparusahan sa tamang proseso laban sa mga illegal recruiters upang hindi na maulit muli ang ganitong maling sistema.
“Ang ating napapansin walang napaparusahan, walang naipakulong at wala talagang hinuli mga illegal recruitment na agencies and operators. Ngayon na ang kanyang pangako na kanyang ipapahuli, paparusahan ito ay magkakaroon ng takot at pag – iisip na sila ay magbago na sa kanilang maling at masamang gawain na manlinlang, manloko ng mga OFW,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
.Sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA, 5,000 hanggang 7,000 reklamo kada taon ang kanilang natatanggap laban sa mga tiwaling ahensya.