172 total views
Nag – alay ng panalangin at Banal na Misa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission for Pastoral Care for Migrants and Itinerant People sa pagpatay ng dalawang ISIS sa isang Franciscan priest sa northern France.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, magkaroon nawa ng kapayapaan ang kaluluwa ni Rev. Fr. Jacques Hamel.
Gayundin, hiniling ni Bishop Santos na manatili ang kapayapaan sa Europa at ibang panig ng mundo na may banta ng terorismo at magbago na rin ang mga taong nagbabalak ng masama.
“Ipinagdarasal natin at ipinagmisa natin ang kapayapaan ng kaluluwa ni Fr. Hamel. Atin ring isinama sa panalangin ang kaligtasan ng mga taong naroroon at kapayapaan sa lugar at pagbabago ng puso at ng isipan ng mga tao pa na nagbabalak at mayroong makarahasang pag – iisip at balakin sa ating mga kapatid doon sa France,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Kinilala naman ni Bishop Santos ang nauna nang pakikidalamhati ni Pope Francis sa Archdiocese of Rouen, France na mapabilang si Fr. Hamil sa mga martir ng simbahan na nag – sakripisyo ng kanyang buhay para sa kanilang kapwa at pananampalataya.
“Ipinakikita rito na kung saan pari lalo na kay Fr. Hamel na siya talaga ay nagsasabuhay at kanyang binuhay ang aral ni Hesus na pag – aalay ng sarili para sa kapwa. Pag – aalay ng sarili para sa pananampalataya, nagsasabuhay ng mga aral ni Hesus,” sambit pa ng obispo sa Radyo Veritas.
Nabatid na ngayong taong 2016 tinatayang 13 pag – atake na ng grupong ISIS ang naitala sa iba’t ibang panig ng Europa.
Dumarami na rin ang bilang ng mga miyembro ng ISIS na halos 1,200 na batay sa datos na inilabas ng The International Centre of Study of Radicalisation and Political Violence.