134 total views
Umaasa ang Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) na maisasabatas na ang Freedom of Information sa bansa, matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order kaugnay sa naturang panukala.
Paliwanag ni UP Prof. Ronald Simbulan – Vice Chairman ng CenPEG, mas magiging epektibo at mapapagtitibay ang layunin ng Freedom of Information na maibalik ang kredibilidad sa pamamahala ng mga opisyal ng bayan kung tuluyan itong maisasabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
“Kailangan pa rin ng follow-up legislations so that, kasi pag-legislation mas long term even after this administration, hindi basta-basta pwedeng baguhin. So kung mayroong FOI in place passed as a law, it will cover all government agencies including the Judiciary and the Legislative body plus it will be longer lasting, so and that’s the number 1 weapon for against corruption…”pahayag ni Simbulan sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, sakop ng Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Duterte isang araw bago ang kanyang unang State Of the Nation Address o SONA ang lahat ng Departamento at line agencies na nasa ilalim ng Executive Branch tulad na lamang ng mga state universities, colleges, Local government units at maging government-owned and -controlled corporations.
Magugunitang, ilang beses na ring hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP si dating Pangulong Benigno Aquino III na sertipikahang urgent bill ang FOI upang tuluyang masugpo ang katiwalian sa pamahalaan.
Batay sa isinagawang pag-aaral ng IBON Foundation, tinatayang umaabot sa 2-trilyong piso sa loob ng tatlong taon ang nasasayang na buwis ng mga mamamayan dahil sa katiwalian sa pamahalaan.