464 total views
Isinusulong ng Green thumb coalition ang People Centered Sustainable Development bilang tugon sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa grupo upang maisakatuparan ang maayos, malinis at makakalikasang pag-unlad, kinakailangan pa ng ibayong pagbibigay pansin ng pamahalaan sa mga usapin ng sustainable food, water and energy, climate justice and human rights justice, environment rehabilitation at climate resiliency lalo’t higit sa mga magsasaka, proper waste management, Yolanda survivors’ rehabilitation, at usaping pang kalusugan.
Bukod dito, inihayag ng Green thumb coalition ang pagtutol nito sa laganap na summary executions at extrajudicial.
Ayon kay Atty. Aaron Pedrosa – Secretary General ng Sanlakas, nakababahala ang pahayag ni Pangulong Duterte na huwag gamitin ang karapatang pantao bilang dahilan upang masira ang bansa.
Dagdag pa ni Pedrosa, hindi dapat pagbanggain ang usapin ng pagpapaunlad sa bansa at ang karapatang pantao.
“Ang batayan ng pagunlad ay ang pagkalinga sa karapatang pantao ng mamamayan. Walang lugar sa isang pamahalaan na nangangako ng pagbabago kung ang landas na tinatahak ay dinidiligan ng dugo ng mamamayan.” pahayag ni Pedrosa.
Samantala, inihalintulad ni Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina, ang karapatan ng mga lokal na residente sa malinis at maayos na paligid, sa karapatan ng mga biktima ng summary executions at extrajudicial killings.
“Yun tuntungan ng kampanya ng ATM laban sa malakihan at mapanirang pagmimina, ay yung karapatang pantao ng mga maliliit mahihirap at mga katutubo na sila yung dapat na pakinggan kung papayagan nga o hindi yung mining, so wala itong pinagkaiba dun sa hanay ng mga karapatang pantao na everyone is entitled to,” ang bahagi ng pahayag ni Garganera.
Gayunman, sa kabuuan ay positibo ang pananaw ng mga grupong bumubuo sa Green thumb Coalition sa administrasyong Duterte at umaasa ito na mananatiling bukas ang kanilang ugnayan sa pagitan ng mga Departamento ng pamahalaan.