300 total views
Hindi nararapat hayaan ng Pangulong Rodrigo Duterte na magpatuloy ang dahas at kawalan ng paggalang sa karapatang pantao at kasagraduhan ng buhay sa mas pinaigting na kampanya ng mga otoridad laban sa illegal na droga.
Ito ang apela sa pamahalaan ni Rev.Fr. Edu Gariguez, Executive Director ng Caritas Philippines sa patuloy na pagtaas ng bilang ng drug-related killings sa bansa sa gitna ng operasyon ng mga pulis at ng mga hinihinalang vigilante laban sa laganap na kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Giit ng Pari, karapatan rin maging ng mga akusado na malitis ang kanilang kaso sa pamamagitan ng tama at legal na proseso na naayon sa batas.
“Pag-ukulan ng pansin at huwag payagan na patuloy na mangyari kasi hindi rin ito yung tama na kahit ang mga sabihin na nating mga totoong kriminal, nagkasala, mga drug pushers ay may karapatan ding masiyasat at dumaan sa tamang proseso ng batas, hindi need ang summary executions, hindi katanggap-tanggap ang kahit na sa sibilisadong pamahalaan at ganun din lalo’t higit sa ating Simbahan,” pahayag ni Father Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Nasasaad sa Article III Bill of Rights, Section 1 ng Saligang Batas na hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sinumang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
Sa pinakahuling tala ng Philippine National Police, mula lamang July 1 hanggang 21 ngayong taon ay umaabot na sa 245 ang mga namamatay sa gitna ng operasyon ng mga pulis habang higit 121-libo ang kusang sumuko at 3,500 naman ang inaresto sa Oplan Tokhang.