140 total views
Pinaghahanda ng CBCP Episcopal Commission on Healthcare ang mamamayan sa paparating na La Niña.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, Executive Secretary ng Commission, mahalagang pag-aralan ng bawat isa ang nagaganap na pagbabago sa klima ng mundo.
Dagdag pa ng pari, kinakailangan ring maging mapagmatyag ang bawat isa sa mga kaganapan at panukalang dapat sundin ngayong tag ulan.
“Ngayon ay paparating naman ang ulan, paparating na yung lamig, [dapat tayong] maging mas mapagmatyag, magbasa kung ano yung mga dapat gawin, manood ng mga weather changes, kung naghahanda tayo noong El Niño, dapat ngayong La Niña ay naghahanda rin tayo lalong lalo na sa Health part.” Pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, nagpaalala rin ang Department of Health na ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig, pagkain ng masustansya at pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa mga water borne diseases na Influenza o trangkaso, leptospirosis, dengue, cholera, hepatitis, at typhoid fever.
Magugunitang noong nakaraang taon, ilang lalawigan ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa paglaganap ng dengue, kabilang dito ang lalawigan ng Bulacan, Isabella, at Cavite.
Batay naman sa Department of Health Epidemiology Bureau, nakapag tala ng 92,807 kaso ng Dengue simula Enero hanggang Setyembre noong nakaraang taon na 23.5 porsyentong mas mataas ito kumpara noong 2014 na umabot sa 75,117 ang kaso ng Dengue.