100,082 total views
Mga Kapanalig, sa harap ng mga problema ng ating bayan na tatawid sa 2024—nariyan ang mataas na presyo ng bilihin, krisis sa edukasyon, matinding tagtuyot dahil sa El Niño, at pagkawala ng hanapbuhay ng maraming tsuper ng jeep—magiging masigasig daw ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagtutulak ng mga pagbabago sa ating Saligang Batas.
Ilang araw bago magbakasyon ang ating mga kagalang-galang na mambabatas, inanunsyo ni House Speaker Martin Romualdez sa isang party kasama ang mga taga-media na ang Charter change (o Cha-cha) ang pagtutuunan nila ng pansin sa 2024. Napapanahon na raw na pag-aralan ang mga tinatawag na economic provisions ng ating Konstitusyon. Kailangan na raw maging updated ng ating Saligang Batas sa usaping ekonomiya.
At dahil malamig ang pagtanggap ng mga senador sa Mataas na Kapulungan sa mungkahing i-review ang Saligang Batas, isusulong ng mga kongresistang gusto ng Cha-cha ang people’s initiative. Ilang buwan na rin kasing nakatengga sa Senado ang Resolution of Both Houses No. 6 na nagtutulak sa pagsasagawa ng isang constitutional convention upang baguhin ang Saligang Batas. Sa people’s initiative, tatanungin tayong mga botante kung dapat bang magkasama o magkahiwalay na bumoto ang mga mambabatas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso sa pag-aaral ng mga mungkahing amyendahan ang Konstitusyon. Iginigiit kasi ng mga senador na dapat na hiwalay ang kanilang pagboto sa pagboto ng mga kinatawan ng mga distrito at party-list. Kung magkasama raw sila, tiyak na mananalo ang mahigit 300 na kongresista laban sa 24 na mga senador.
Bakit ipinipilit ng mga kongresista ang Cha-cha?
Ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio Dong Gonzales, kailangan ng “Bagong Konstitusyon ng Bagong Pilipinas.” Luma na raw ang Saligang Batas ng Pilipinas na binuo mahigit tatlumpung taon pa lamang ang nakalilipas. (Hindi naman ito ganoon kaluma, kung tutuusin. Ang Konstitusyon nga ng Amerika, 1789 pa umiiral.) Lagi pang sinasabi ng mga nagtutulak ng Cha-cha: panahon nang payagan ang mga dayuhan na magkaroon ng mas malaking pagmamay-ari sa mahahalagang industriya at mga public utilities. Sa paniniwala nila, ito ang magiging susi upang lumago ang ating ekonomiya, na mag-aangat naman sa marami nating kababayan mula sa kahirapan.
Ngunit hindi lang ito ang mga pagbabagong gusto ng mga mambabatas. May mga resolusyon sa Kongreso na nagtutulak ng mas mahabang termino para sa mga kongresista. Ganito rin ang gusto nilang ibigay sa presidente at bise-presidente. Sa Senado nga, may mungkahing gawing mahigit limampu ang mga senador! Bantayan natin ang mga ito dahil tila hindi interes ng taumbayan ang isinusulong ng mga pagbabagong ito.
Katulad ng parating sinasabi ng mga kontra sa Cha-cha, wala sa ating Konstitusyon ang problema. Aanhin natin ang mga pagbabago sa pinakamataas na batas sa ating bayan kung pare-pareho lamang ang mga taong nagpapatakbo sa ating gobyerno? Paano aangat sa kahirapan ang ating mga kababayan kung ang umiiral na sistemang pang-ekonomiya sa ating bansa ay patuloy lang din na papabor sa mayayaman, maimpluwensya, at maging sa mga dayuhan? Ang mas mahalagang tanong: naging tapat ba tayo—lalo na ang mga nasa poder—sa diwa at layunin ng ating Saligang Batas?
Sa Catholic social teaching na Evangelium Vitae, itinuturo sa atin ng ating Simbahan na ang tunay na layunin ng batas sibil ay garantiyahan ang maayos na pamumuhay ng isa’t isa sa tunay na katarungan. Ganito rin ang hangarin ng Saligang Batas ng Pilipinas na bunga ng mapayapang pagkamit ng demokrasya mula sa maraming taon ng diktadurya. Hindi ito perpekto ngunit sapat na upang mamayani ang katarungan, kaayusan, at kasaganaan sa ating bayan.
Mga Kapanalig, sa pagpipilit na baguhin ang ating Saligang Batas, “maging handa [tayo] at magbantay,” paalala nga sa 1 Pedro 5:8.
Sumainyo ang katotohanan.