10,872 total views
Dismayado ang Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) sa naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa grupo ng mga lider ng iba’t ibang denominasyon sa bansa, bagamat hindi maisasantabi ang pambihirang tungkuling ginagampanan ng Korte Suprema sa lipunan ay mahalaga namang muling masuri ang naturang desisyon ng institusyon kaugnay sa nasabing usapin lalo na ang posibleng epekto nito sa katarungan at pananagutan sa lipunan.
“We, the Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT), express our grave concern and disappointment regarding the Supreme Court of the Philippines’ ruling declaring the impeachment of Vice President Sara Duterte as unconstitutional. While we hold the Supreme Court with high regard, we believe its decision warrants critical examination in light of its potential impact on justice and accountability.” Bahagi ng pahayag ng CLCNT.
Giit ng CLCNT, kinakailangang papanagutin ang bise presidente sa mga alegasyon ng katiwalian sa nawawalang kaban ng bayan gayundin sa paggamit ng confidential funds na nararapat na ilaan para sa mga programa at kabutihan ng mga mamamayan.
Pagbabahagi ng grupo, ang desisyon ng Korte Suprema ay maituturing na pagbabalewala sa mas malawak na usapin ng pang-aabuso sa kapangyarihan at pagpapanagot sa opisyal sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsisiyasat o imbestigasyon.
“Our concerns stems not from a prejudgment of the Vice President but from a fundamental principle that the pursuit of justice must prioritize the needs of the vulnerable and uphold the integrity of our institutions. The Supreme Court’s decision, grounded on technicalities, which many legal minds fine questionable, appears to disregard the broader context of alleged abuses of power and potential corruption that necessitate thorough investigation.” Dagdag pa ng CLCNT.
Paliwanag ng grupo, bahagi ng tungkulin at responsibilidad ng Korte Suprema ang bigyang-kahulugan sa batas upang mabigyang diwa ang katarungang panlipunan kaya naman naaangkop lamang na sa pamamagitan nito ay mapangalagaan ang demokrasya ng bansa upang hindi masira ang tiwala ng publiko na pundasyon ng demokrasya ng Pilipinas.
“We believe the Supreme Court, entrusted with interpreting the law to serve the spirit of justice, has a responsibility to ensure transparency and accountability, especially within the highest levels of government. When it shields those in power from scrutiny, it undermines public trust and erodes the very foundation of our democracy.” Ayon pa sa CLCNT.
Mariin namang nanawagan ang CLCNT sa mga Senador na manindigan at isakatuparan ang kanilang patas na tungkuling ginagampanan sa lipunan na nasasaad sa Konstitusyon sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng paglilitis sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Giit ng grupo na hindi dapat talikuran at ipagkait ng anumang institusyon ng pamahalaan ang katotohanan at katarungan para sa mamamayang Pilipino.
Apela ng grupo, “We respectfully urge the Senate to exercise its independence and sole authority to preside on impeachment trial, as stated in our constitution. Hence, proceed with the impeachment trial forthwith.”
Inihayag naman ng CLCNT na hindi mababago ang paninindigan ng Simbahan sa pakikisangkot sa mga usaping panlipunan lalo na at may kaugnayan sa usapin ng moralidad, kapayapaan at katarungan sa lipunan.
Ayon sa grupo, kinakailangang patuloy na manindigan ang bawat mamamayan sa pagsusulong na mapanagot ang opisyal at makamit ang katotohanan at katarungan panlipunan sa bansa.