3,508 total views
Nanawagan ng pananagutan at katarungan ang mga relihiyoso at relihiyosa sa Pilipinas sa Senado sa nakabinbing impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), kailangang manaig ang katotohanan, pananagutan at katarungan sa gitna ng mga usapin at alegasyon ng katiwalian at kawalang katarungan na kinahaharap ng bansa.
“Bilang mga kinatawan ng mga relihiyoso at relihiyosa sa Pilipinas, naninindigan kami sa panawagan ng sambayanan: simulan na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Sa harap ng mga isyung kinahaharap ng ating bansa, kailangang manaig ang katotohanan, pananagutan, at katarungan.” Bahagi ng pahayag ng CMSP.
Inaanyayahan naman ng CMSP ang mamamayan na makibahagi sa isinasagawang prayer vigil sa harap ng Senado upang ipanawagan sa mga Senador ang tuluyang pagsasagawa ng impeachment trial laban sa bise presidente bilang paninindigan sa pamamahalang may pananagutan at paggalang sa Saligang Batas.
Layunin ng tatlong araw na People’s Vigil mula June 09 hanggang 11, 2025 na ipakita sa mga mambabatas ang paninindigan ng taumbayan sa pagsusulong ng katotohanan at pananagutan mula sa katiwalian at pagtataksil ng mga lingkod ng bayan sa tiwala ng sambayanan.
“Hinihikayat namin ang mga kasapi ng Simbahan at ang buong sambayanan na makiisa sa pagkilos sa Hunyo 9, 10, at 11 sa harap ng Senado ng Pilipinas upang ipahayag ang ating paninindigan para sa pamamahalang may pananagutan at paggalang sa Saligang Batas. Ang pananahimik sa harap ng katiwalian ay pagtataksil sa ating misyon bilang mga lingkod ng Diyos at tagapagtanggol ng dangal ng bawat Pilipino. Tindig tayo para sa katotohanan at katarungan!” Dagdag pa ng CMSP.
Ayon sa TINDIG PILIPINAS na isa sa mga grupo nag-organisa ng pagkilos, sa unang araw ng vigil ay magkakaroon ng ecumenical service para sa lahat ng dadalo na susundan sa ikalawang araw ng magdamagang prayer vigil habang magsasagawa naman ng Jericho March sa ikatlong araw sa pagbabasa ng impeachment complaints laban kay Duterte.