1,506 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na palalimin ang pagdedebosyon sa Mahal na Birheng Maria.
Ito ang paanyaya ni Cardinal Advincula sa misang ini-alay para sa pagdiriwang ng Rosas ng Sampiro Festival 2025 sa Makati Coliseum sa Makati City.
Ayon sa Arsobispo, nawa katulad ng ina at Patron ng Makati na si Nuestra Señora Virgen Dela Rosa ay tularan ng mga mananampalataya ang pagtitiwala ni Maria sa Panginoon at sa Banal na Espiritu Santo sa kanilang buhay.
Sinabi ni Cardinal Advincula na sa pamamagitan nito ay makakapamuhay ang bawat mananampalataya na nakaayon sa pagmamahal ng Panginoon at plano ng banal na Santatlo.
“Sa ating pagtunghay sa ating Mahal na Ina, tinuturuan niya tayo at binibigyan ng halimbawa kung paano makinig, sumunod at mabuhay sa Espiritu Santo, tinatawag si Maria na siya rin ang Virgen Dela Rosa na esposa ng Espiritu Santo ‘Spouse of the Holy Spirit,” ayon sa buod na mensahe ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Tiniyak naman ni Sts. Peter and Paul Parish Makati Parish Priest Father Kris Habal ang patuloy na pagpapalalim ng pananampalataya ng mga mamamayan. Ito ay sa pamamagitan ng higit na pagpapakilala at pagpapalalim ng pagdedebosyon sa Mahal na Birhen ng Dela Rosa na patron at ina ng lungsod ng Makati City.
“So siguro bilang parish priest ng Sts. Peter and Paul Parish Makati kung saan nakadambana ang imahen ng Virgen Dela Rosa, ang Rosas ng Sampiro sapul pa noong 1718, ang mensahe po ay sana lumalalim yung pagkilala ng mga taga-Makati sa maka-inang pagmamahal, pangangalaga ng Mahal na Birhen, sana mas maapreciate natin yung mayamang kultura ng City of Makati na naka-ugat sa pananampalataya sa Panginoong Hesukristo at sa Kaniyang pagmamahal, pagdedebosyon sa Mahal na Birhen so yan ang ang aking panalangin, at wish sa pagsasagawa ng pagdadaos ng Rosas ng Sampiro para sa taong ito ng 2025, maraming salamat po,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Habal.