2,679 total views
Matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC), sinabi ng isang opisyal ng simbahan na ang pangyayaring ito ay isang mahalagang paalala tungkol sa pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.
“Former President Duterte got what he wanted,” ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines- Episcopal Commission on Public Affairs na tumutukoy sa dating pangulo na ilang ulit na hinamon ang ICC nang pag-aresto sa kaniya.
Ngunit nilinaw ng pari na ang pag-aresto kay Duterte ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng kanyang pagkakasala. “His arrest, though, doesn’t mean he’s guilty of the accusations hurled against him. It’s merely the start of a long process of determining accountability.”
“What happened to Duterte should be a reminder that power, if abused, has adverse consequences.”
Ayon sa kanya, ang pag-aresto kay Duterte ay isang proseso ng hustisya na dapat sundan ng mas malalim na imbestigasyon at patas na paglilitis. Sa kabila ng kontrobersiya, ipinahayag ng Simbahan ang paninindigan sa katarungan at pananagutan, anuman ang estado sa buhay ng isang tao.
Itinuring naman ni Fr. Flavie Villanueva, ang pagkakaaresto bilang isang mahalagang hakbang sa pagkamit ng katarungan ng mga biktima ng extra judicial killings at mga naulila sa ipinatupad na war against illegal drugs ng nakalipas na administrasyon.
“Ang pag-aresto sa arkitekto ng War on Drugs na si Rodrigo Duterte ay isang pagpapahayag ng hustisya—isang hakbang na bumigkis sa Diyos,” pahayag ni Fr. Villanueva sa isang panayam.
Gayunpaman, binigyang-diin ng pari na hindi dapat magtapos ang pananagutan kay Duterte lamang. Kanyang iginiit na ang mga pangunahing tagapagpatupad ng War on Drugs, kabilang ang mga matataas na opisyal ng nakaraang administrasyon, ay dapat ding papanagutin.
“Dapat isunod dito pagkatapos ng arkitekto ang mga operator—may dalawang senador, si Bong Go at si Bato dela Rosa. Ang kanyang anak na bise presidente na may kinakaharap na impeachment case ay dapat ding managot. Ganoon din ang mga dating hepe ng pulisya na naging kasangkapan sa patayang naganap,” dagdag niya.
Si Fr. Villanueva ay kilala sa pagtataguyod ng katarungan para sa mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings (EJKs) na naganap sa ilalim ng War on Drugs ng dating administrasyong Duterte kung saan humarap din siya sa isinagawang pagdinig ng Quad Committee ng Kamara sa isyu ng war on drugs kasama si dating Senator Leila de Lima.
Isa siya sa mga pangunahing personalidad na kumakalaban sa impunity at nagsusulong ng rehabilitasyon at proteksyon para sa mga naulila ng madugong kampanya kontra droga. Siya rin ang tagapagtatag ng Program Paghilom, isang inisyatiba na tumutulong sa mga pamilya ng EJK victims sa pamamagitan ng psychosocial healing, at legal assistance.
Pinuri rin ni Fr. Villanueva ang ginampanan ng kasalukuyang administrasyon sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban kay Duterte, bagamat inamin niyang maaaring may bahid ng pulitikal na hidwaan sa pagitan ng mga dating magkakampi.
Sa kabila ng pag-aresto, iginiit ni Fr. Villanueva na ito ay simula pa lamang ng mas malawak na laban para sa hustisya. Hinimok niya ang publiko, lalo na ang Simbahan, na manatiling matatag sa panawagan para sa pananagutan at pambansang paghihilom.
“Hindi na dapat matakot, hindi na dapat matakot ang Simbahan. Patuloy tayong makikiisa sa tagumpay na ito, sa hinahangad nating paghilom at katarungan,” pagtatapos niya.