4,111 total views
Makakamit lamang ang tunay na kapayapaan kung kikilalanin ang mga maling nagawa ng nakaraan at pananagutin ang mga may kasalanan.
Ito ang binigyang-diin ng Conference of Major Superiors in the Philippines-Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPICC) kaugnay sa pagkakaaresto ng International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa CMSP-JPICC, ito’y mahalagang hakbang upang tugunan ang hindi mabilang na paglabag sa karapatang pantao na naganap sa ilalim ng Administrasyong Duterte, lalo na ang madugong war on drugs na kumitil ng libu-libong inosenteng buhay.
“For years, victims’ families, human rights defenders, and faith-based organizations have sought justice for the thousands of extrajudicial killings, enforced disappearances, and other abuses, mostly targeting the poor and marginalized,” pahayag ng CMSP-JPICC.
Iginiit ng kapulungan na ang kautusan ng ICC laban kay Duterte ay hindi lamang usaping legal kundi isang moral na panawagan para sa hustisya at katotohanan.
Paliwanag ng CMSP-JPICC, ang pananagutan ay mahalaga sa paggaling ng lipunan at hindi dapat piliin lamang kung sino ang mananagot, kundi papanagutin ang lahat ng may kinalaman sa paglabag sa karapatang pantao.
“Justice must not be obstructed, and Duterte, along with those who enforced and enabled his reign of terror, must face the consequences of their actions. This is not about vengeance but about upholding the dignity of every person, especially the poor and vulnerable,” giit ng kapulungan.
Una nang nanawagan ang Simbahan at human rights groups sa administrasyong ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., upang wakasan ang marahas na kampanya laban sa ilegal na droga at makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC para sa katarungan ng mga biktima.
Batay sa ulat ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), halos 9,000 katao ang nasawi sa ilalim ng War on Drugs ng administrasyong Duterte, habang tinatayang mahigit 20,000 naman ayon sa iba’t ibang human rights organizations sa Pilipinas.