254 total views
Aminado ang Commission on Social Services and Development ng Archdiocese of Manila na maraming isyu na lalong nagpapalubog sa mga mahihirap ang kailangan matagunan dahil sa malaking epekto ng pandemya.
Ayon kay Rev. Fr. Erik Adoviso, tagapamuno ng nasabing komisyon, iba’t-ibang pagsubok ang kinakaharap ngayon ng mga dukha hindi lamang ang suliranin sa kanilang pang araw-araw na pagkain.
Aniya, sa kabila ng kawalan ng maayos na hanapbuhay at epekto ng pandemya ay suliranin din ngayon ng ilan ang pagpapaalis sa kanilang mga tirahan dahil sa kabi-kabilang mga imprasktraktura kung saan hindi naisasaalang-alang ang karapatan ng mga apektadong residente.
“Kung dati ang pinag-uusapan job security manatili ang mga manggagawa sa kanilang trabaho ang nagiging problema naman ngayon yun manggagawa pinapaalis sa kanilang mga bahay, nag-iiba ang mga nagiging kaso ngayon sa halip na una job security pero ngayon dahil sa pandemic ang ibinibigay na kaso sa amin ay ano po ang aming gagawin kasi pinapaalis na kami sa aming tirahan, dine-demolish ang bahay namin lalo na sa mga informal settler.” Pahayag ni Fr. Adoviso sa panayam ng programang Caritas in Action.
Ganito din ang naging pahayag ni Bro. Ernesto Roberto ng Ministry of Public Affairs ng Archdiocese of Manila kaugnay sa suliranin ng mga mahihirap na apektado ng demolisyon dahil sa pinagagawang NLEX-SLEX connection sa lungsod ng Maynila.
Aminado si Roberto na hindi napigil ng pandemya ang mga demolisyon sa halip ay naging karagdagang pasanin pa ito ng mga apektadong residente.
“Akala ko ay gagaan ang trabaho namin kasi walang demolisyon pero nagkamali ako, tumigil lang siya saglit pero nung sabihin ng pamahalaan na ituloy ang proyekto ng gobyerno ay nagtuloy-tuloy na din ang mga demolisyon sa ating mga kapatid na maralita.”
“Ngayon hindi lang informal settler kundi pati private property owner na tatamaan ng ating mga national project tulad ng sa PNR saka yun SLEX-NLEX project yun ang mabigat tapos dahil sa pandemic hindi tayo makapaglunsad ng panayam sa mga kapatid nating apektado.” Giit ni Roberto ng Ministry on Public Affairs.
Tiniyak ni Fr. Adoviso na sa kabila ng mga kasalukuyang suliranin ng mga mahihirap ay hindi sila tatalikuran ng Simbahan upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
“Palagay ko nararamdaman kahit papapano ng mga tao na nandiyan ang Simbahan nakita natin paano kumilos ang ating mga layko ang mga Pari patuloy na kumikilos yan para pagsilbihan ang mga mahihirap,” giit ng Pari.
Sa datos na nakalap ng Veritas846, tinatayang nasa 180 libong pamilya ang maapektuhan ng demolisyon dahil sa NLEX-SLEX connector road project at North-South Commuter Railway Project.
Nilinaw ni Roberto na hindi tutol ang Simbahang Katolika sa mga proyekto na naglalayon ng pag-unlad ngunit dapat aniyang isaalang-alang ang kapakanan lalo na ng mga walang boses sa lipunan.
“Yun ang isang malaking problema yun ang isang gawain ng aming ministry na dapat matiyak naman yun karapatan sa paninirahan ng mga kapatid natin na maralita ay ginagalang.“