1,832 total views
Iniulat ng Diocese of Borongan at Archdiocese of Zamboanga na malawak ang pinsala ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Eastern Visayas at Mindanao.
Kinumpirma ni Diocese of Borongan Bishop Crispin Varquez na apat na parokya ng diyosesis ang naapektuhan ng baha at nasa evacuation centers ang mga apektadong residente.
“Malawak po itong inuulan ngayon sa Pilipinas actually part of Visayas and Mindanao. Sa Diocese of Borongan base sa report ng Social Action Center (SAC) ay apat na parokya ay badly affected by the flooding sa walang tigil na ulan. Marami pong pamilya ang naapektuhan at maraming naka-evacuates pa ngayon,” pahayag ni Bishop Varquez sa Veritas Patrol.
Ibinahagi ni Bishop Varquez sa Radio Veritas na patuloy ang kanilang relief operations sa mga apektado ng baha.
“Sa Diocese of Borongan through the social action center patuloy po ang aming pagre-relief para ideliver sa mga parokya ang tulong sa mga nasalanta ng sama ng panahon,” pagbabahagi ni Bishop Varquez.
Nanawagan din ang Obispo ng tulong para sa mga residenteng binaha.
“Kung mayroon pa kayong gustong maitulong, nakapost ang aming appeal sa Facebook,” pahayag ng Obispo.
Hinimok naman ni Bishop Varquez ang mga nasalanta ng baha na huwag mawalan ng pag-asa dahil ibibigay ng simbahan at mga good Samaritan ang kanilang pangangailangan.
“Para naman po sa mga biktima ng typhoon, huwag po tayong mawalan ng pagasa at madami po tayong mga kapatid na handa pong tumulong at ang simbahan will give you assistance para po sa inyong pangangailangang pagkain, mga damit at saka mga gamot at sana po tulong-tulong tayo. At the same time ang mga affected sa flood, mag-ingat po kayo at huwag mawalan ng pag-asa, matatapos din po itong nararanasan na malaking baha po sa ating area sa Eastern Samar, we pray for you and God Bless You! at salamat din po sa mga mag-eextend din pa ng tulong sa mga affected ng pagbaha sa aming area,” panawagan ni Bishop Varquez.
Tiniyak naman ni Sister Melba Bongalos,program coordinator ng Social Action Center ng Archdiocese of Zamboanga na nakaantabay sila sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Ayon kay Sister Melba, nakabalik na kani-kanilang tahanan ang mga residenteng lumikas matapos humupa ang baha.
“Ilang mga low lying areas ang binaha pero yun mga nag-evacuate ay nagsisibalikan na din sa kanilang mga bahay.Sa ngayon ay naka-antabay lamang ang social action sa mga posibleng humingi ng tulong ngunit may sapat na kakayanan pa ang LGU,” pahayag ng Madre sa Radio Veritas.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ngayong araw, aabot na sa mahigit 524-libong katao o 122-libong pamilya ang naapektuhan ng Low Pressure Area at iba pang sama ng panahon sa mga Rehiyon ng Cagayan Valley, CALABARZON, Gitnang Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Easter Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN at BARMM Regions.