280 total views
Kahirapan, kakulangan ng edukasyon at hindi patas na sistema ng batas para sa mga mahihirap.
Ito ang isang nakikitang dahilan ng National Union of People’s Lawyer kung bakit patuloy ang pagsisiksikan at paglaki ng bilang ng mga bilanggo sa mga kulungan sa bansa.
Ayon kay Atty. Josalee Deinla – Asst. Secretary-General for Education ng NUPL, dahil sa kahirapan at kakulangan sa kaalaman sa kanilang mga karapatan kung kaya’t maraming mga bilanggo ang hindi na naipaglalaban ang kanilang mga sarili mula sa mga akusasyon at kaso sa hukuman.
“Dahil narin sa kahirapan, kulang sa edukasyon hindi nila nalalaman, hindi nila batid kung ano yung mga karapatan na pwede pala nilang ipaglaban, so sa unang banda puwede rin nating sabihin na nagiging factor yan, pero kung titingnan sa balangkas sa overall na heal ng mga bagay, dahil yan sa umiiral na sistema natin yung malaking gap sa pagitan ng mahirap at mayaman at yung double standard ng legal system laban dun sa mga mahihirap at maliliit na mga mamamayan…”pahayag ni Deinla sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong ika-30 ng Hunyo naitala ang 463% na nationwide congestion rate sa mga bilangguan sa buong bansa.
Batay sa tala, nasa higit 112-libo ang bilang ng mga bilango sa buong bansa kung saan tanging 463 lamang ang bilanguan ng BJMP na nakalaan para sa 26-na-libong inmates.
Lumalabas na halos 80-porsyento ng mga bilanggo sa bansa ay labis sa kapasidad ng mga kulungan.
Samantala, unang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay laban sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang magbagong buhay.