332 total views
Napahayag ng pagkadismaya at pangamba si Rev. Fr. Robert Reyes – Spokesperson ng religious group na Gomburza na maging isa na lamang monument ang EDSA.
Dahil sa tila unti-unting pagkawala ng tunay na diwa ng demokrasya na sama samang ipinaglaban ng mga Filipino 32 taon na ang nakakalipas.
Ito ang naging pahayag ni Fr. Reyes, kaugnay na rin sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa unti-unting pagkawala ng tunay na diwa demokrasya at kalayaan na sama samang ipinaglaban at nakamit ng mga Filipino mula sa diktaduryang Marcos.
Ayon kay Fr. Reyes, kabilang sa mga unti-unting nagbabalik na mga negatibo sa ating bayan ay ang karahasan, patayan, mga trapong opisyal at ang paniniil sa demokrasya partikular na ang planong pagpapalit at pag-amyenda sa 1987 Constitution na siyang bunga ng makasaysayang EDSA People Power Revolution.
“Ang malungkot yung original na diwa at demokrasya at yung pagkakapantay pantay at yung pagtanggal ng mga pader, mga dingding na humaharang sa atin ay nawawala na yun bumabalik na yung mga pader, bumabalik na yung hindi pagkakapantay pantay, bumabalik na yung karahasan, bumabalik na naman ang mga trapo, ang mga oligarko at ang demokrasya ay unti unting namamatay dahil sa banta na papalitan yung 1987 Constitution, yun ang diwa ng EDSA at yun ang papatayin nila ano nang mangyayari sa EDSA this would just be a monument…” pahayag ni Fr. Reyes sa panayam sa Radio Veritas.
Pinangangambahang nasa 9 na mga probisyon na may kaugnayan sa safeguards at basic rights and freedoms ng mga mamamayang Filipino ang maisantabi sa nilulutong cha-cha ng administrasyong Duterte.
Dahil dito, patuloy na nananawagan ng pananalangin at pagkakaisa ang Pari upang magabayan ng Panginoon ang mga opisyal ng bayan sa kanilang mga desisyon na makakaapekto sa buhay ng mga mamamayang Filipino.