4,685 total views
February 24, 2018
“Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya magpasalamat po tayo sa Panginoon na siyang nagtipon sa atin po sa umagang ito.
Siya rin po ang naglalakad, siya ang tunay na naglalakad sumasama lang po tayo, Siya ang unang naglakad at patuloy na naglalakad, at tayo po ay ang kanyang katuwang.
Hindi ko masabi na magsi-upo ang lahat kasi alam ko hindi makakaupo ang iba. Pero para po sa nakatayo ‘huwag kayong mag-alala nakatayo din po ako at baka sa kalagitnaan ng Homilya yung mga nakaupo sila naman ang tatayo at ibibigay ang upuan nila sa mga nakatayo.
Tayo po ay nakikiisa din sa napakaraming tao sa ibat-ibang bahagi ng mundo, na ngayon ay naghahanap ng daan papano nga ba mapapanatili, mapapahalagaan at maipagtatanggol ang buhay.
Kahapon nanawagan si Pope Francis na tayo ay mag-ayuno para sa mga kapatid natin sa Congo at sa Sudan.
Marami pa pong ibang lugar na naglalakad para sa buhay. Pero ang kanilang tinatapakan ay nabahiran na ng dugo, ang kanilang nilalapakan, ang kanilang pinaklalabayin ay punong-puno ng mga bakas ng karahasan at pagbabalewala sa buhay.
Sa atin pong ‘Walk For Life’ dito sinasabi natin sa kanila, hindi kayo nag-iisang naglalakad, tayo ay isang pamilya na sama-samang naglalakad at hindi tayo titigil maglakad para sa buhay kahit na baku-bako at duguan ang mga landas.
Ang atin pong ebanghelyo ay parang napakahirap, pagkagising ko po kanina may mga text na ang tanong “Bakit po napakahirap sumunod kay Jesus lalo na sa hinihingi niya?” Mahalin mo ang iyong kaaway at yung umuusig sayo ipagdasal mo, kasi sa pagmamahal sa kaaway at pagdarasal sa para sa umuusig diyan mo maipapakita na ikaw nga ay anak ng Diyos.
Yung isang text sakin sabi “ Bakit po ba ganyan kahirap?”. Ay talaga pong mahirap, Pero sa konteksto po ng kwaresma at ng Walk for life itong ebanghelyo ito po ay isasabay tayo ng kahalagahan ng buhay.
Lahat ng buhay, lalo na buhay ng tao ay mahalaga pati ang buhay ng iyong kaaway mahalaga. Kapag ang usapin ay buhay huwag mong titingnan… kaaway ba yan? kaibigan ba yan? Ito ba ay kamag-anak, ito ba ay katoto, ito ba ay kapanalig? Para sa usapin ng buhay lahat yan ay mahalaga pati ang buhay ng iyong kaaway.
Kaya ang Walk for life hindi lamang walk for.. ilang buhay, ito ay paglalakad para sa lahat ng may buhay, kasama na ang ating kaaway. Baka yung iba di na nakalakad, nakaladkad na. Madaling lumakad para sa mga mahal ko at nagmamahal sakin, pero ang test ng commitment ko sa buhay ay pati ba ang buhay ng hindi ko kasundo ay aking igagalang?
Ito po ang napakalaking misteryo ng panahon natin ngayon. Bakit nga ba parang umuuwi sa hindi paggalang sa buhay? Marami po tayong narinig kanina, marami pa tayong maririnig sa mga darating na araw. Hayaan niyo lang po na tumutok ako sa isa.
Marami pong nagsasabi na ang isang nagpapabago sa ating pananaw sa buhay at pagpapahalaga sa buhay ay ang pagpapalit ng mentalidad, dahil nga po parang ang nanaig na kultura, ang nanaig na pananaw sa mundo at sa buhay ay masyado ng Functional at Pragmatic at may pagka-materialistic, hindi natin napapansin ang tingin na lang natin sa lahat ay commodity ‘bagay’ at ang nasa isip natin ay ang bagay na ito ay kapaki-pakinabang, ang bagay bang ito ay mapapakinabangan ko. Kapag ang isang bagay ay parang hindi na kapaki-pakinabang o kaya ay sagabal sa akin ay aalisin ko na yan, itatapon ko na yan.
”I will eliminate it, Bakit? Hindi na kasi kapaki-pakinaban.” At sa ganyan nawawala na ang ating pananaw sa gift, sa mga regalo, sa handog ng Diyos. Sige kailangan mag-achieve ka, ikaw ay self made man & woman lahat na ay achieve mo wala ng gift. Kapag ganyan po ang unang casualty ay buhay, dahil ang buhay,ay regalo ng Diyos. Pero kapag wala na tayong nakikitang regalo at ang tingin na lang natin ay…at ang pag-iisip ay ito ba ay kapaki-pakinabang, ito ba ay magagamit ko para sa aking kapakinabangan? Hindi ko na nakikita na ito yung regalo.
Ang buhay ay ang unang napakadali na alisin, lalo na kapag yan ay buhay ng isang tao na sa tingin ko ay salot o hindi kapaki-pakinabang. Hindi ko yan makikita bilang regalo ng Diyos, ang nakikita ko lang ay salot ito. Kahit na yan ay nakikiusap, umiiyak hindi ko naririnig ang regalo ng Diyos na nakikiusap, ang nakikita ko lang salot ito, hindi ito kapaki-pakinabang dapat na itong alisin. Kailangan po nating ibalik ang pananaw at appreciation sa regalo, buhay bilang handog at regalo ng Diyos.
Ang regalo, kayong mga magulang napapansin ko yan kapag may nagbigay sa anak niyo kapag birthday, Pasko at yung bata nakatingin lang dun sa regalo. Anong sinasabi niyo “ o anak anong sasabihin mo?”at yung bata “Thank you po! Salamat po!” Tinuturo natin, ang regalo pinasasamalatan, Ang regalo hindi binabalewala, ang regalo pinasasalamatan, ang regalo inaalagaan kasi yan ay bunga ng pagmamahal ng nagbigay. Ang regalo hindi binabalewala, ang regalo hindi inaalipusta.
Ang aking relo ay 1973 pa. Bigay ito ng aking mga magulang noong ako ay gumagraduate noong high school. Hindi ko ito tinitingnan bilang equipment, hindi ito object, hindi ito bagay, ito ay regalo ng pagpupunyagi ng mga magulang na gustong may maibigay sa isang anak na ga-graduate. Alam ko hinulog-hulugan pa yan.
“Kaya may mga nagsasabi sa akin Obispo ka na, Cardinal ka na ang iyong relo pang-museum na! Palitan mo na ‘yan itapon mo na, palitan mo ng mas uso”. Sabi ko “Hindi ito bagay to be thrown and discarded”. This is a gift, this is life! This is love”. Yung nagsasabi na itapon ko na ito di ko naman masisisi, hindi naman nila nakikita to bilang regalo, ang tingin lang nila relo.
Sana huwag akong umabot sa ganun na ang makita ko lang ay relo, sana lagi kong makita, gift. And the many faces behind the gift, ang mukha ng aking mga magulang, ang mukha ng gumawa nito, ang mga talino ng mga taong gumawa nito, ang mga simpleng manggagawa na sanay nabayaran nung sila ay gumagawa ng bawat parte ng relo.
To produce this gift there have been many gifts of life and commitment how could I discarded it. But if I start looking at this like a thing and there’s a commodity na di na uso. Tama, puwede na ngang itapon.
Sabi ni Pope Francis “ang kutura natin ngayon, a throw away culture”. Tapon-tapon, alisin, eliminate kasi hindi na regalo at ang unang casualty ay buhay. Ibalik po natin yun, yung pananaw na regalo at pati po sa ebanghelyo ang buhay ng ating kaaway ay regalo.
Kaya kong ipagdasal at kayang mahalin kahit gusto kong tirisin, kapag titirisin mo na at nakita mo na ang buhay nito ay regalo pa din ng Diyos, pagpalain ka nawa ng Diyos. Dahil ang Diyos ang nagpala sa iyo”. Mga kapatid sa mga mag-asawa na nandito? (taas kamay ng mga Wifes). Pagnakikita ninyo ang asawa ninyo? Anong nakikita niyo Regalo?. (husband taas kamay) Anong nakikita niyo Regalo? (mga bata, sino mga bata?) Anong nakikita niyo regalo mo ATM card? (mga magulang?) anong nakikita niyo regalo o pabigat?. “Kapag ang ina sinabihan ng doctor ikaw ay nagdadalang tao anong nakikita niyo regalo o gastos na naman ito o problema na naman ito?”
Kapag mayrong palaboy na laging kakatok-katok sa inyong bahay anong nakikita niyo regalo o perwisyo? Kapag mayrong isang bata na mukhang madaling lokohin anong nakikita mo regalo na dapat alagaan o isang taong pwedeng samantalahin? Kapag may isang tao aminin na natin naligaw ng landas ano ang nakikita natin regalo o salot na dapat walisin at alisin?” Mga sisters kapag nakikita ninyo ang inyong superyura ano ang inyong nakikita? Mga pari pagnakikita ninyo ang obispo ano ang inyong nakikita? The World is charge with the gift of God, ang bukang liwayway, ang sikat ng araw, ang bawat bahid ng damo, ang bawat puno na nandito, ang bawat tao, bawat ngiti regalo magkaiba man tayo huwag mo akong itapon.
Ang luha ng mga magulang na nawalan ng mga anak, ang bigat ng loob ng mga anak na para nagiging pingpong dahil ang kanilang mga magulang ay ayaw ng tingnan ang bawat isa bilang regalo. Lahat yan ay panawagan sa atin na ibalik ang pananaw .“Hindi kami gamit, hindi kami bagay, kami ay taong may buhay. At kahit warak-warak, kahit sugatan, kahit marupok regalo ng Diyos at ang regalo ay hindi sinasayang, hindi itinapon.”
Salamat sa mga tao, people with disabilities na nandito, salamat sa mga tao na dala- dala ang mga sugat sa buhay. Huwag kayong maniwala kapag sinasabi ng mundong materialistiko at pragmatiko na dahil sa inyong katatayuan kayo ay pabigat at wala ng silbi, kayo po ay regalo ng Diyos. At si Jesus mismo ang nagsabi “ang ginawa ninyo sa maliliit ninyong kapatid ay ginagawa niyo din sa akin.”
Sa bandang huli si Jesus na nasa ating bawat buhay ang regalo din na tintanggap din natin. Malapit dito sa isang kalye dyan, minsan po sinundo ako ng isang kaibigan ko may pupuntahin kami ditto sa metro manila, sabi niya” dun kana lang sumakay sa sasakyan ko. Sabi ko sge ho. Pagdating po sa may banda riyan nag-redlight pagtigil po ng sasakyan naglabasan ang mga nagtitinda andami nagtitinda ng mga tuwalya, bulaklak, candy, biscuit, ganyan. Yung nagda-drive dun sa sasakyan ng kaibigan ko magalang naman nagsabi na hindi bibili. Naintindihan naman yun ng mga nagtitinda kasi sumenyas nagsi-alisan naman pumunta dun sa mga sasakyan na susunod sa likod. Maya-maya may isang bumalik nagtitinda ng barkilyos. Sabi nung nagtitinda habang nandun sa may bintana hawak yung barkilyos at kumakaway…”Kardinal”, ako naman kumaway din, sabi nung driver di kami bibili, sabi ng kaibigan ko di kami bibili. Pero yung mama tuloy pa din. Kahit hindi ako yung may-ari ng sasakyan binaba ko yung bintana sabi nung driver di kami bibili pati yung kaibigan ko di kami bibili. Sumagot yung Mama, “Di ko naman po binibenta gusto ko lang pong ibigay na regalo kay Kardinal.”
Ito yung sinasabi ko itong tao na ito sa hirap ng buhay bawat sentimo na kikitain niya ay mahalaga. Pero ang kanyang pananaw hindi tutubuin, kikitain ang aking savings ang mahalaga sa kanya regalo, pakikiisa siya ang larawan ng taong buhay na buhay at nagbibigay buhay. Napagisip-isip ko diba tayong mga Pilipino ang tawag natin sa trabaho ay hanap-buhay, hindi hanap-tubo, hindi naman hanap-yaman, hindi hanap-pera ang hanap natin ay buhay.
Hanapin ang buhay, hanapin ang mga regalo alagaan yan, linangin, pagbungahin!