4,750 total views
His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle
Archbishop of Manila
Manila Cathedral Basilica of the Immaculate Conception
March 25, 2018
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya. Sinisimulan po natin ngayon ang mga mahal na Araw Holy Week at ang pasimula ay ang paggunita natin sa maringal at mabunyi na pagpasok ni Hesus sa banal na lugar na Herusalem upang tuparin ang kaniyang misyon.
Siya ay dumating para tuparin ang kaniyang misyon at iyon ay magaganap sa Herusalem-banal na lugar subalit lugar kung saan ang mga propeta at mga sugo ng Diyos ay pinapatay. Ang Semana Santa ay punong-puno ng mga misteryo kaya inaanyayahan ko po kayo lahat simula ngayon na tutukan si Hesus, tingnan si Hesus, pakinggan si Hesus upang makilala natin Siya muli at ng malalim. Sino nga ba Siya at bakit siya dumating? Ano nga ba ang Kaniyang misyon? Bakit Siya ganiyan?
Sabi kanina habang tayo ay pumapasok, pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon. Dumating si Hesus sa ngalan ng Panginoon, pinagpala ba Siya? Sa narinig natin sa ebanghelyo masasabi mo bang pinagpala Siya? Pinagpala yan? Nilibak-libak, kinukutya, hinubaran, hiniya, pinatay bilang kriminal. Sasabihin mo ba pinagpala? Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon. Sino Siya? Sino itong si Hesus?
Para po sa sisimba rito-isang buong linggo ‘yan po ang ating paglalakbay araw-araw titingnan natin si Hesus. Sino ka nga ba Hesus? Magpakilala ka muli sa amin. Sa awa na ito ang tanong ni Pilato ang siyang magiging gabay natin. ‘Tinanong nya si Hesus, ikaw ba ang hari ng mga hudyo? Hari ka nga ba? Sino ka Hesus? Anong uri ng hari ka? Hari ng mga hudyo.’ Pinapili ni Pilato ang mga tao, sino ang pipiliin nyo palalayain ko ang kriminal na si Barabas o ang hari ng mga hudyo na si Hesus? At ang pinili ng mga tao para palayain ay ang kriminal na si Barabas at ang hari ay ipapapako. Anong uring hari ‘yan? Tapos may sundalo nagbigay pugay nai-imagine ko tumutungo sabi pa ‘Hari ng mga hudyo’ at pagkatapos yun pinukpok Siya sa ulo, hinubaran hari ng mga hudyo.
Hindi pagpupugay, hindi pagpaparangal kundi pangkukutya ‘Hari ng mga hudyo’. Ipinako Siya nakalagay duon sa taas ng krus ‘Hari ng mga hudyo’. Ano ‘yun pagpupugay? Hindi ‘yun ang Kaniyang krimen dahil Siya ang hari ng mga hudyo, Siya ay ipapapatay. Hari, anong klaseng hari si Hesus?
Makikita po natin tahimik lang Siya. Sa mata ng mundo Siya ay hari na walang lakas at kapangyarihan. Nasaan ang Kaniyang lakas? Nasaan ang kanyang Kapangyarihan? Sa unang pagbasa nakita natin ang Kaniyang lakas, kapangyarihan ay galing sa tiwala sa Diyos. Ang hari natin hindi nagtitiwala sa dahas, hindi nagtitiwala sa armas, hindi nagtitiwala sa tabak, hindi nagtitiwala sa bala’t baril. Nagtitiwala ang hari natin sa Diyos at basta’t ako’y inosente sa mata ng Diyos wala na akong hahanapin pa. Sa Diyos ang lakas, sa Diyos ang kapangyarihan Niya.
Sa ikalawang pagbasa Siya ay may kapangyarihan bilang anak ng Diyos subalit hinubad Niya hindi Niya kinapitan ang Kaniyang dangal bakit? Upang makipag-isa sa atin nagpakababa ‘iyan ang Kaniyang lakas ‘yan ang Kaniyang kapangyarihan. Ang solidarity ang pakikiisa sa mga mabababa, pakikiisa sa mga mahihina, pakikiisa sa mga makasalanan. Ang Kaniya’y hindi kapangyarihan na kapag ikaw ay mababa lalu ka pang tatapakan, hindi! Ang Kaniya’y kapangyarihan na kapag ikaw ay maliit ikahihiya ka, hindi! Ang Kaniyang kapangyarihan ay makikiisa Ako sa iyo mahina ka, mababa ka, makasalanan ka, marupok ka- nandito ako, nakikiisa sa iyo. Iyan ang ating hari.
Kaya pwede naman Siyang lumaban kay Pilato e. Puwede naman Siyang makipag-debate kung tutuusin, wala namang panama sa Kaniya si Pilato utal-utal naman ‘yang si Pilato. Pero ang hari natin hindi na kailangang ipaglaban ang Kaniyang sarili, ang Kaniyang pagkatao puspos ng tiwala sa Diyos at pag-ibig sa atin. Yan ang Hari, ‘yan ang may dangal, ‘yan ang may kapangyarihan.
The serene dignity and silenced of the person who trust in God and who is in full solidarity with sinful humanity that is true authority. That is our true King. That is the King that will save the world.
Tayo po ay tinatanong, tatanggapin mo ba ang Hari na katulad ni Hesus? Susundan ba natin Siya? Siya na ganiyang uri ng hari. Sa mundo natin ngayon namamayagpag ang mga haring puno ng kayabangan kapos sa kapagkumbabaan. Sa panahon natin ngayon kaydamiraming sumusunod sa mga hari na ang ginagamit ay dahas, armas, pananakot. Kapos na kapos sa pang-unawa at pakiisa sa mga mahihina.
Tinatanong tayo ni Pilato sino ang pipiliin ninyo ang mga Barabas ng panahon ngayon o si Hesus ang hari.
Tumahimik po tayo sandali at sa ating puso tanungin natin si Hesus nga ba ang aking hari handa ko ba Siyang tanggapin at sundan.