34,846 total views
Isa na naman tayo sa mga kulelat pagdating sa math, science, at reading, kapanalig. Ayon sa pinakahuling resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2022, pang 77 sa 81 countries ang Pilipinas. Ang assessment na ito ay ginagawa ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) sa hanay ng mga mag-aaral na may edad 15.
Disappointing, kapanalig, ang resulta ng assessment na ito para sa bansa dahil nakita na 16% lamang ng mga Pilipinong mag-aaral ang nakaabot ng Level 2 sa mathematics, at halos walang nakaabot sa Level 5 or 6. Pagdating sa science, ang score natin ay 356, malayo sa OECD average na 485 points. Pagdating sa reading literacy, 340 points ang ating nakuha, malayo pa rin sa OECD average na 476 points.
Kapanalig, tutukan na dapat ng pamahalaan ito, at huwag ang mga isyu gaya ng confidential funds. Tayo ang may kasalanan kung bakit nagiging purol ang ating mga mag-aaral – hinahayaan natin na bumaba ng bumaba ang standards natin bilang Filipino. Kitang kita iyan sa mga uri ng politiko na ating pinipili – mga lider na wala sa puso ang kapakanan ng mga Filipino.
Pundasyon ng tao at ng bayan ang edukasyon. Ito ay ating primary investment. Hindi ba’t sa tahanan nga, ang edukasyon ng bata ang isa sa ating pinakamahalagang expense? Malaking porsyento ng ating kita, oras, at pagod ay nakalaan para sa edukasyon ng mga bata. Ang nakapagtataka, pumipili tayo ng mga lider na walang malinaw na plataporma para sa edukasyon ng bayan.
Ang edukasyon ay hindi lamang investment. Ito ay karapatan ng bawat isa sa atin. Hindi lamang dapat mamamayan ang kumikilala nito, kundi ang estado. Ang estado o ang pamahalaan ay may obligasyon protektahan, respetuhin, itaguyod at tuparin ang karapatan ng mamamayan sa edukasyon. Ang patuloy na paglagapak natin sa mga global assessments ay ebidensya na hindi natutupad ng estado ang kanyang obligasyon sa mamamayan. Sino ang mananagot dito? Kailangan, kapanalig, may mekanismo tayo kung saan ating mapapanagot ang mga kawani na pumapalpak sa obligasyon na ito. Hindi pwedeng sorry na lang, or better luck next time.
Ano ba ang roadmap o plano ng pamahalaan upang ating maitaas ang kapasidad at kaalaman ng ating mga mag-aaral para future-ready at globally competitive naman sila? Ano bang kinabukasan ang inaasam asam nating mga Filipino para sa ating kabataan? Kuntento na lang ba tayo na maging importer ng domestic helpers at construction workers sa ibang bansa? Marangal ang mga trabahong ito, pero, kapanalig, real talk tayo—marami sa kanila ay itinuturing na alipin sa loob at labas man ng bansa, dahil lamang sa mga kakulangan sa edukasyon. Pababayaan ba natin ito?
Bigyang-pansin naman ng pamahalaan na ito ang kalidad ng edukasyon. Gumising sana ang DepEd at manguna sa pagpapabuti ng edukasyon sa bayan. Sabi sa Gaudium et Spes, ang ating angking dignidad bilang tao na nilalang ng Diyos ay ang pundasyon at pinanggagalingan ng ating mga karapatan, gaya ng karapatan natin sa edukasyon. Kung ang pamahalaan natin ay hindi kinikilala ang karapatan na ito, obvious, kapanalig, na wala silang pakialam sa ating dignidad bilang tao. Mag-isip isip naman tayo at mamimili na ng tunay na maka-Diyos at makatao.
Sumainyo ang Katotohanan.




