46,383 total views
Hinimok ni Tandag, Surigao del Sur Bishop Raul Dael ang mga mananampalataya na talikuran ang mga makamundong bagay na nagiging hadlang upang makamit ang kabanalan ng buhay.
Ito ang pagninilay ni Bishop Dael sa unang linggo ng Adbiyento bilang paghahanda sa pagdating ng manunubos, na iniugnay din ng obispo sa naganap na magnitude 7.4 earthquake noong December 2.
Ayon sa obispo, ang pagnanais ng tao na mailigtas ang buhay sa kasagsagan ng lindol ay katulad ng pagnanais na makamit ang kaligtasan at biyaya mula sa Diyos.
Ipinaliwanag ni Bishop Dael na makakamtan lamang ang ganap na kaligtasan kung sisikapin ng bawat isa na magbagong-buhay at talikuran ang mga bagay na nagdudulot ng pagkakasala.
“Earthquake taught us to move easily when we don’t have much to carry. It’s easy to function in a synonymous church, to walk together, when there are no worldly things that bind us,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Dael.
Dagdag pa ng obispo na ito rin ang nais ipaunawa ng simbahan tungkol sa synodality na hinihikayat ang bawat isa na sama-samang maglakbay patungo kay Kristo.
Kaugnay naman sa naganap na lindol, patuloy ang isinasagawang assessment ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lugar na lubhang naapektuhan upang matukoy ang mga tinamong pinsala.
Sa huling situation report ng NDRRMC, umabot sa higit 132-libong pamilya o 528-libong indibidwal ang naapektuhan sa Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.
Habang kasalukuyan pang tinitiyak ng ahensya ang tatlong kataong nasawi at 48 sugatan mula sa naganap na pagyanig.




