34,566 total views
Ipinangako ng labor groups sa Pilipinas ang patuloy na pagsusulong ng mga repormang itataas ang kalidad ng pamumuhay ng mga manggagawa.
Tiniyak ito Philippine Labor Movement matapos matanggap ang George Meany–Lane Kirkland Human Rights Award.
Magsisilbing kinatawan ng P-L-M ang Federation of Free Workers (FFW), Kilusang Mayo Uno (KMU), BPO Industry Employee Network (BIEN), Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) upang tanggapin ang parangal sa American Federation of Labor and Congress of Industrial Organizations (AFL-CIO) headquarters sa Washington D.C.
“Nais naming iparating sa AFL-CIO na ang gantimpalang ito ay napapanahon. Dumating ito sa isang panahon kung kailan ang aming dedikasyon at tapang ay sinusubok ng mga banta at intimidasyon mula sa iba’t ibang pinagmulan, kasama na ang ilang elemento sa gobyerno. Kaya, ito ay hindi lamang isang pagdiriwang ng aming nakaraang mga pagsisikap kundi isang pinagmumulan ng inspirasyon upang baguhin ang aming pangako para sa mga manggagawa at kanilang layunin,” pahayag sa Radio Veritas ni Atty. Sonny Matula, national chairman ng NAGKAISA Labor Coalition at Pangulo ng FFW.
Pagkatapos tanggapin ang parangal ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga labor group na makipag-pulong kay United States National Security Advisor Jacob Jeremiah Sullivan upang iparating ang mababang pasahod sa Pilipinas, suliranin sa reg-tagging, extra judicial killings, kontrakwalisasyon at hindi pantay na benepisyo na nararanasan ng mga manggagawang Pilipino.
Ang George Meany–Lane Kirkland Human Rights Award na iginagawad ng AFL-CIO sa mga indibidwal o grupong may kaugnayan sa paggawa dahil sa kanilang katangi-tangin pagsusulong sa pagpapabuti ng estado ng karapatang pang-tao at pamumuhay ng mga manggagawa.