19,836 total views
Inihayag ng opisyal ng Catholic Bishops’Conference of the Philippines na ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi ng Mahal sa Birheng Maria ay tanda ng katuparan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon.
Ayon kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairperson ng CBCP Office on Stewardship isang magandang halimbawa ang ipinamamalas ng Mahal na Ina na buong kababaang loob na ipinagkatiwala sa Panginoon ang sarili sa pagtugon sa malaking misyong iluwal si Hesus sa sanlibutan.
“Ang kapistahang ito ay nagpapahiwatig ng plano ng Diyos…Mahalaga ang papel ni Maria. Hindi magtatagumpay ang tao kung hindi naging tao ang anak ng Diyos. Naging tao si Hesus sa pamamagitan ni Maria,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Sinabi ng obispo na kabilang sa plano ng Diyos ang kalinis-linisang paglilihi ni Santa Ana kay Maria bilang paghahanda sa sinapupunan na pinanahanan ni Hesus.
Tinuran ni Bishop Pabillo na bukod tanging kabanalan ang ninanais ng Panginoon sa sangnilikha ngunit dahil sa pagsuway ng mga unang nilikhang tao ay nagkaroon ng kasalanan ang tao bago isilang sa mundo subalit nahuhugasan sa pamamagitan ng sakramento ng binyag.
Hamon ni Bishop Pabillo sa mamamayan na tularan ang kababaang loob ni Maria na handang tupdin ang kautusan ng Panginoon at kalingain ang kapwa lalo’t higit ang naisasantabing sektor ng pamayanan.
Kinilala ng obispo si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagbibigay halaga sa Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria tuwing December 8 nang lagdaan ang Republic Act No. 10966 noong 2017 na nagdeklarang special non-working holiday ang nasabing araw.
“Nagpapasalamat tayo kay dating presidente [Rodrigo] Duterte na sa kanyang pamumuno pinasa ng Kongreso ang batas na ginagawa ang December 8 na isang public holiday,” saad pa ni Bishop Pabillo.
Dahil dito inaanayayahan ni Bishop Pabillo ang bawat katoliko na maglaan ng panahon sa pagdalo ng Banal na Misa sapagkat ito ay isa sa tatlong araw na itinatalagang holy day of obligation bukod sa December 25 ang kapanganakan ni Hesus at January 1 ang Kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos.




