405 total views
Nanindigan ang Department of Labor and Employment sa kampanya nitong tapusin na ang lumalalang sistema ng “end of contract” o ENDO sa bansa.
Ito ay matapos na maglabas ng memorandum ang kagawaran na sisimulan ng imbestigahan ang lahat ng kumpanya na nagpapatupad nito.
Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, kailangan nilang pairalin ang batas na nagtatakda na lahat ng mga employers ay sumusunod sa alitutunin na hindi mapeperwisyo ang mga manggagawa.
Nangako naman ang kalihim ng DOLE na sisiguruhin nitong bababa ang bilang ng mga kontrakwal ng 50 porsyento ngayong taon at tuluyang mawawala sa pagtatapos ng taong 2017.
“We will enforce the law. There are laws already prohibiting ENDO and prohibiting contractualization. It is just a matter of implementing these laws. Kaya lahat ng mga directors namin throughout the country they were instructed to implement these laws and see to it that ENDO and contractualization is reduced by 50 percent within this year and by the end of 2017 ENDO and contractualization will be part of the past,” bahagi ng pahayag ni Bello sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na mahigit nang 90% ng mapapasukang bagong trabaho sa Pilipinas ay kontraktwal.
Habang batay naman sa datos ng Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Inc. o (PALSCON) nasa 850,000 na ang mga manggagawang kontraktwal sa buong bansa nitong 2016.
Samantala, suportado naman ng Trade Union Congress of the Philippines at Employers Confederation of the Philippines ang hakbanging ito ng DOLE.