457 total views
Marapat lamang na alam natin kapanalig, kung saan nanggagaling ang enerhiya sa ating bansa. Kailangan din natin malaman kung ang mga pinanggagalingan nito ay sustainable ba at makakabuti sa ating bayan sa kalaunan. Sa taas ng binabayad natin sa kuryente, masakit naman malaman sa kalaunan na ang ating perang binayad ay nagamit din pala sa mga paraan na makakasama sa kalikasan, at sa kalaunan, sa ating mga pamilya at komunidad.
Ayon sa Annual report 2014 ng Department of Energy, 31.3% ng ating primary energy mix ay mula sa langis, 22.4 ay mula sa coal, 18.7% ay mula sa geothermal sources habang 15.6% ay mula sa biomass. Sobra sa kalahati, kapanalig, ng ating energy sources ay mula sa mga non-renewable source o hindi na napapalitan: ang langis at coal. Kung hihimayin pa natin ito at susuriin ang power generation mix, makikita natin na 42.8% nito ay mula sa coal.
Kumpara sa mga non-renewable sources, mas mura ang produksyon ng enerhiya mula sa langis at coal. Medyo bago kasi ang ang mga non-renewable technologies kaya ang mga sangkap nito, gaya ng imprastraktura at kasanayan, ay mahal pa.
Kaya nga lamang, kapanalig, ang pag-gamit ng coal at langis upang bigyan ng enerhiya ang bansa, at ang buong mundo, ay may mga hidden cost, na kadalasan, ay katumbas ng buhay.
Ang langis ay mula sa fossil fuel, at sa bawat hakbang ng pagkuha nito sa kalikasan, may mga katumbas na environmental costs, gaya ng polusyon sa hangin at katawang tubig, at masamang epekto sa mga komunidad.
Ang pag-generate naman ng coal sa mga power plants ay may mga dala ring health issues sa bansa. Sa isang report ng Greenpeace, maaring tumaas ang mga tinatayang 960 premature deaths kada taon mula sa stroke, ischemic heart disease, cardiovascular diseases, at iba pang respiratory diseases kung magtutuloy ang mga pinaplanong power plants sa ating bansa.
Ang mga coal power plants ay naglalabas ng sulfur dioxide (SO2), nitrogen oxide (NO2) at iba pang mga emisyon na lubhang nakakasama sa kalusugan ng tao. Dumadagdag din ang emisyon ng mga coal power plants sa patuloy na pag-init ng mundo, na maaring magdala ng mga environmental disasters.
Mas mura man ang mga sources o pinanggagalingan ng mga enerhiya na ito, mahal naman ang ibabayad natin dito sa kalaunan: ang ating buhay. Kaya nga’t napapanahon na mas isulong natin ang mga renewable sources of energy. Ang mga “clean sources” na ito ay mabuti para sa ating kalikasan at kalusugan. Sinisiguro nito na may malinis pa na mundong aabutan ang mga susunod na henerasyon.
Nawa’y tumalima tayo sa babala ni Pope Francis mula sa kanyang Laudato Si: Kung titingnan natin ang kalikasan bilang uri ng pagkakakitaan lamang, magbibigay ito ng matitinding epekto sa ating lipunan na hindi malilimutan ng sangkatauhan.