2,012 total reads
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 1511 o ang Enhanced Anti-Hospital Detention Bill na layong protektahan ang mga pasyente mula sa detention dahil sa hindi mabayarang hospital bills.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo co-author ng panukalang batas, na layunin ng Enhanced Anti-Hospital Detention Bill na protektahan ang mahihirap na pasyente at pamilya laban sa pagpigil sa ospital na makauwi dahil sa hindi agad mabayarang medical bills.
“Kapag naipasa ang panukalang batas na ito, ipinagbabawal na po sa mga ospital na hindi payagang makauwi ang pasyente kung walang pambayad.” Bahagi ng pahayag ni Tulfo sa Radyo Veritas.
Ayon sa mambabatas nasasaad sa panukala na maaaring tumanggap ang ospital ng promissory note o collateral, ngunit hindi rin maaaring kunin bilang collateral ang gamit o pagmamay-ari na pangunahing pinagkakakitaan ng pamilya, gaya ng motorsiklo ng delivery rider, jeep ng driver, lupang sinasaka ng magsasaka o pumpboat ng isang mangingisda.
Pagbabahagi ni Tulfo, saklaw din ng panukala maging ang mga labi ng namatay na pasyente kung saan may mga insidente rin na may mga pamilyang hindi makuha ang labi ng kanilang mahal sa buhay dahil sa kakulangan ng pambayad sa ospital.
“Hindi lang po pasyente, pati po ‘yung mga namatayan. Alam ko po marami ngayon. Noong isang araw lang po, may lumapit sa akin na sinasabi niya hindi makuha-kuha ang bangkay sa ospital dahil kulang pa po ‘yung kanilang bayad… So, ito po ‘yung inaalis na po natin na unfair naman po para sa mga mahihirap nating kababayan.” Dagdag pa ni Tulfo.
Ayon kay Tulfo, mahalaga ring magkaroon ng mekanismong makatutulong din sa mga ospital upang hindi rin malugi ang mga pagamutan, kabilang ang posibleng tax credit para sa mga gastusing hindi na nakolekta mula sa indigent patients.
Iminungkahi rin ni Tulfo na palakasin ang suporta ng PhilHealth at Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) upang lumiit ang kailangang bayaran ng mahihirap na pamilya.
“Siguro po ‘yung tax credit na lamang po na pwede nilang i-charge doon sa kanilang pagbabayad ng buwis. Sasabihin nila na itong halaga na ito ay napunta rito, maraming hindi nagbayad. Doon siguro pwede nating bigyan, hindi naman tax exemption kundi tax credit, ‘yung mga ospital na siniro na lang o hindi nabayaran ng mga mahihirap nating kababayan.” Ayon pa ni Tulfo.
Samantala, inihayag din ni Tulfo na dadaan pa sa Technical Working Group ang ilang probisyon ng panukala, kabilang ang mga karampatang parusa sa mga ospital na lalabag sa batas.
Sa bahagi ng Simbahan, ang pangangalaga sa maysakit at pagbibigay-dangal sa mga yumao ay bahagi ng paggalang sa dignidad ng bawat tao kung saan kinakailangan ang pagkakaroon ng mga sistemang hindi nagkakait ng kinakailangang pangangalaga o dignidad bilang bahagi na rin ng pagsusulong ng kabutihang panlahat.




