1,670 total reads
Nanawagan ang Gunless Society Philippines ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang Simbahan, upang maisulong ang batas na maglilimita sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril at makapagbibigay ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga Pilipino.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Gunless Society Philippines President Norman Cabrera na kinakailangan ang mas malakas at tuloy-tuloy na pagkilos upang tugunan ang mga insidente ng karahasang may kaugnayan sa baril, kabilang ang mga naganap na insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan.
“Napakalaki ng laban na ito. At kinakailangan dito ang mas malakas na boses, at consistent and progressive effort by all sectors of society, including the Church, to work for meaningful legislation for the betterment of lives of all Filipinos.” Bahagi ng pahayag ni Cabrera sa Radyo Veritas.
Ayon kay Cabrera, hindi dapat ituring na hiwa-hiwalay na insidente ang mga karahasang may kinalaman sa baril, sa halip ay dapat itong tingnan bilang bahagi ng mas malawak na usapin ng gun violence sa bansa.
“Pwede nating tingnan na itong pangyayaring ito ay isang unique event. But on the other hand, it is also not an isolated case. Kung tayo man ay magmumuni-muni o magre-reflect pagkatapos nitong nangyari sa Ateneo de Zamboanga, kailangan po nating tingnan ang ganitong pangyayari sa isang pangkalahatang paraan.” Dagdag pa ni Cabrera.
Pagbabahagi ni Cabrera, layunin ng Gunless Society Philippines ang pagkakaroon ng mapayapa at ligtas na kapaligiran sa pamamagitan ng paglilimita sa pagmamay-ari ng baril at paglilimita sa pagdadala nito sa labas ng tahanan o sa mga pampublikong lugar.
Giit ni Cabrera, kinakailangan ang batas upang maisakatuparan ang mga hakbang na ito at mapigilan ang pag-ulit ng mga insidente ng karahasan.
“Dapat itong mga ganitong pangyayari, dapat matuldukan natin ‘yan. Ilimita ang pag-aari ng baril, at ilimita rin ang pagdadala ng baril sa labas ng bahay o sa pampublikong lugar. At ang bagay na ito ay nangangailangan ng legislation.” Ayon pa kay Cabrera.
Samantala, tiniyak naman ni Cabrera patuloy na pagsusulong ng kanilang adbokasiya sa Kongreso, ngunit nanawagan ito ng malawak na suporta ng publiko upang magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa polisiya hinggil sa baril.
Sa pananaw ng Simbahan, ang pagkakaisa para sa mga batas na nagtatanggol sa buhay, dignidad at kaligtasan ng tao ay bahagi ng pagsusulong ng kabutihang panlahat kung saan kinakailangan ang pagtutulungan ng pamahalaan, Simbahan, civil society at mga mamamayan upang makalikha ng mga konkretong hakbang na tunay na magpoprotekta sa buhay, lalo na ng mga bata at kabataan.




