41,610 total views

HOMILY for the Episcopal Ordination of Bishop Dave Capucao, 5 September 2025, Isa 61:1-13; Romans 14:1-12; John 10:11-16
Minamahal kong bayan ng Diyos sa Infanta, mga kapatid kay Kristo, magandang umaga po. Magpasalamat tayo sa Panginoon na tumawag sa atin na magkatipon para sa Misang ito sa importanteng okasyon ng ordinasyon at pagtatalaga ng bagong obispo ng Infanta, Bishop Dave Capucao. Ikinagagalak nating makapiling ngayong umaga ang kapatid na arsobispo ng Maynila, Cardinal Joe Advincula, ang Tagapamuno ng ating Pagdiriwang ngayon, ang ating Papal Nuncio Archbishop Charles John Brown, kasama ang dalawang magkasunod na dating obispo ng Infanta—Rolly Tirona at Bernie Cortez. Narito rin ang bagong halal at incoming president ng CBCP—ang arsobispo ng Lipa, Archbishop Gilbert Garcera, at iba pang na kapatid na obispo ng Pilipinas.
May kuwento akong narinig tungkol sa isang pari. Dahil ilulunsad nila ang kanilang Corporal Works of Mercy programs sa parokya, nag-paskil siya sa simbahan ng isang linya mula sa ating pagbasa ngayon kay propeta Isaias: “He has sent me to bring good news to the poor.” Pinagalitan daw siya ng isang mayamang benefactor. (Yung tipo yatang yumaman sa ghost projects na flood control.). Sabi daw ng benefactor: “Bakit to the poor lang? Para namang may diskriminasyon. Dapat good news for all—rich and poor.”
Sige ho, sabi naman ng pari. Ie-edit ko po. Binaklas niya yung kartolinang cutout na “to the poor” pero binaklas din niya ang “good”, at naging: “He has sent me to bring news.”
Sabi ng benefactor: “O bakit nawala ang good?” Sagot ng pari: “E kasi ho nawala ang poor. Ang balita ng Diyos ay hindi naman ho kasi magiging good news para sa mga nag-iisip na hindi na sila poor, na sapat na sila, busog na sila, mayaman na sila, at wala na silang kailangan.” Baka bad news pa nga ang maging dating ng balita ni Kristo para sa kanila.”
Ayun, nabawasan tuloy siya ng benefactor. Di ba gayon din ang punto ng talinghagang binigkas ni Hesus tungkol sa mayaman na hangal na namrublema kung saan ilalagay ang sobra-sobra niyang ani. Wala siyang kausap kundi sarili. At ang solusyon niya—gumawa na lang ng mas malaking kamalig para mapagkasya ang kanyang mga luxury vehicles, este, yung ani pala.
Mabuting Balita para sa Mahirap
Simple lang naman ang punto. Ang taong hindi na marunong umamin ng sariling karukhaan at karupukan ay hindi na makaririnig ng mabuting balita. Kaya nga ang misyon ni Jesus ay hindi lang to comfort the afflicted. Minsan ay to afflict the comfortable. Not because he hates them but because he wants to dispose them for the good news.
Tulad ni Zacchaeus—naging eksperto na siya sa climbing—social climbing. Nasanay tumungtong sa kapwa-tao upang makaaangat sa pag-aakalang iyun ang magpapatangkad sa maliit niyang pagkatao. Paano pinaabot ni Hesus sa kanya ang good news? Tiningala siya at pagkatapos, pinababa. Malinaw ang good news niya: Zaccheus, you want to go up? Come down! Doon lang niya natagpuan ang kalayaan, nang matutuhan niya bitawan ang mga bagay na umaalipin sa kanya.
Sentire cum Ecclesia, Sentire cum Christo
Ang motto ni Bishop Dave ay Sentire cum Ecclesia—to think, to feel with the Church. Pero kung ang Simbahan ay Katawan ni Kristo, gaya ng turo ni San Pablo, ibig sabihin ang Sentire cum ecclesia ay sabay na Sentire cum Christo—to think to feel with Christ, to love with the love of Christ Himself.
Sabi ni San Pablo sa Philippians 2: “Complete my joy by being of the same mind having the same love (as Christ), by feeling, thinking, having the same attitude as Christ’s….” Ibig sabihin, kung anong iniisip, nararamdaman, at minamahal ni Kristo—iyon din ang ating isipin, damhin, at mahalin.
Posible ba iyon? Oo, kung matututo tayong magpakumbaba, “If we can learn to regard others as more important than ourselves. If we learn to care not just for our own interests, but also for those of others.”
Ito ang tinatawag ni San Pablo na kenosis—ang lubos na pagbubuhos ng sarili. He emptied himself. Hindi siya nag-ambisyon makipantay sa Diyos. Kahit sinasabi natin sa kredo na umakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng ama, mahalagang isaisip: Hindi siya umakyat sa langit; iniakyat siya. Hindi siya lumuklok sa kanan ng Ama; iniluklok siya. Hindi niya itinaas ang sariling bangko. Tatandaan mo ito mamayang iluluklok ka.
Mga kapatid, dito po nakaugat ang pagiging mabuting pastol—sa kanyang pagkakatawang-tao siya’y naging dukha kasama ng mga dukha. Nakipagluksa sa mga nagluluksa, nakigalak sa mga nagagalak. Niyakap ang kahirapan, upang tayo’y mapagkalooban niya ng kayamanang walang hanggan.
Ang Pamana ng mga Pastol ng Dukha
Ito rin ang pamana ng inyong pangalawang obispo sa Prelatura ng Infanta: Bishop Julio Labayen—ang maitaguyod ang isang Simbahang tunay na Church of the Poor. At ito rin ang pinanindigan ng isa pang inspirasyon ni Bishop Dave—si San Oscar Romero ng El Salvador, na pumili rin ng parehong motto, at nag-alay ng buhay para sa mga dukha at inaapi.
Para sa kanya, ang pinakamahalagang aspeto ng pagiging obispo ay acompañamiento—ang apostolado ng pag-aantabay. Kakaibang klase ng pamumuno: hindi mo pinangungunahan ang pamayanan, hindi dumidikta kundi nakikipagkaisang-puso, nakikiramdam, nakikinig, nakikilakbay, nakikibahagi sa lakad ng bayan.
Ang Tanda ng Katawan ni Kristo
Sabi ni San Pablo sa ating 2nd reading sa Romans 14: “None of us lives for oneself, and none of us dies for oneself; whether we live or die, we are the Lord’s.” Tayo ay sa kanya. Nasabi minsan ni San Agustin, ang Eukaristiya ay hindi tulad ng ordinaryong pagkain na kapag kinain natin ay dina-digest natin, binabago natin upang maging mahagi ng ating katawan ang sustansya nito. Sa pagtanggap natin sa katawan ni Kristo, tayo ang binabago niya at ginagawa niyang kabahagi ng kanyang katawan.
Kaya siguro may kasabihan tayo sa Filipino: Ang sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan. Totoo ba ito? Depende. Oo kung malusog ang katawan. Paano makakaramdam ang katawan kung paralisado ito, o kung bangkay na ito? Kung hindi na natin nararamdaman ang isa’t isa—lalo na ang hinaing ng mahihirap—hindi na tayo buhay na katawan ni Kristo. Baka bangkay na lang.
Isang Salita kay Bishop Dave
Kaya Bishop Dave, ngayong araw, ipinagkakatiwala sa iyo ni Jesus ang kawan ng Infanta. Ang iyong misyon: Sentire cum Ecclesia, Sentire cum Christo. Ibig sabihin, marunong makiramdam, makiiyak, makitawa, makiisa. Hindi bilang pinunong nagmamando mula sa itaas, kundi bilang pastol na nakikibahagi sa buhay ng kawan.
Kay Hesus, ang tunay na landas paitaas ay pababa, pagpapakumbaba. Pagiging tagapaglingkod, kagaya ng Panginoon na naging dukha upang tayo’y payamanin sa Kanyang biyaya.
Mga kapatid, ipagdasal natin ang ating bagong obispo. Suportahan natin siya, at sama-sama tayong magpatuloy sa pamana iniwan ni Bishop Labayen—isang Simbahan ng mga Dukha, isang Simbahan na nakikiramdam kay Kristo, isang Simbahang buhay sa Espiritu.






