190 total views
Poproteksyunan ng Department of Environment and Natural Resources ang mga environmentalist laban sa pang-aabuso at pagpaslang ng malalaking kumpanya na sumisira sa kalikasan.
Ayon kay DENR-Mines and Geosciences Bureau Director Engr. Leo Jasareno, mas kikilalanin ng kagawaran at bibigyang importansya ang malaking tulong ng mga Non-Government Organizations at Civil Society groups sa pagbabantay sa kilos ng mga kumpanyang umaabuso sa kalikasan.
“Sa ilalim ng bagong administrasyon ni Kalihim Gina Lopez, unang-una i-empower natin yung mga NGOs, Civil Society, para magkaroon sila ng mas malakas na boses sa DENR at sa pagpatakbo ng environmental protection,” pahayag ni Jasareno sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Jasareno, bibigyan ng DENR ng karagdagang proteksyon ang mga makakalikasang grupo, dahil hindi biro ang mga kumpanyang kinakalaban nito, para lamang maipagtanggol ang kalikasan.
“Bibigyan sila ng protection ng ating estado, tulad ng mga proteksyon na ibinibigay sa ating mga regular na empleyado. Assured po tayo na ang mga environmentalist ay kaagapay natin sa pagpapatupad ng batas para maproteksyonan ang environment,” dagdag pa niya.
Sa tala ng Global Witness, isang UK based watchdog, noong 2015 ay umabot sa 185 ang environmental activist na pinaslang.
Sa Brazil naitala ang pinakamaraming napaslang na umabot sa 50, kabilang dito ang mga campaigners na tumututol sa illegal logging sa Amazon.
Pangalawa naman ang Pilipinas na may 33 environmental activist habang 26 sa Colombia, 12 sa Peru, 12 sa Nicaragua, at 11 sa Democratic Republic of Congo.
Matatandaang nito lamang unang araw ng Hulyo, isang anti-coal crusader ang pinaslang sa Bataan dahil sa pagtataguyod nito ng malinis na kalikasan at malusog na pamayanan.