384 total views
Hinihikayat ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na mas paigtingin pa ang kamalayan hinggil sa iba’t ibang nagaganap sa kapaligiran ngayong ipinagdiriwang ng simbahan ang Laudato Si Week 2021.
Sa twitter account ni Pope Francis na @Pontifex,umaasa ito na ang pagdiriwang na ay higit na makatulong upang mapakinggan nang lubusan ang hinaing ng daigdig at ng mga mahihirap na higit na naaapektuhan ng nagbabagong klima at iba’t ibang sakuna.
Nagpapasalamat naman ang Santo Papa sa lahat ng mga organisasyong patuloy na itinataguyod ang pangangalaga sa inang kalikasan laban sa mga mapanirang hangarin.
Hinihikayat naman ni Pope Francis ang bawat isa na patuloy na isabuhay ang aral na ibinabahagi ng ensiklikal na Laudato Si hinggil sa wastong pangangalaga at pagmamahal sa ating nag-iisang tahanan sa Kristiyanong pamamaraan.
“Today “Laudato Si’ Week” begins, to educate more and more to listen to the cry of the Earth and the cry of the poor. I thank the numerous participating organizations, and I invite everyone to participate,” mensahe ni Pope Francis mula sa kanyang Twitter account na @Pontifex.
Sa Pilipinas, tema ng Laudato Si Week 2021 ang “Celebrating Change” bilang bahagi ng ikaanim na anibersaryo ng ensiklikal na Laudato Si ni Pope Francis na unang nilagdaan noong Mayo 24, 2015.
Ito ang ikalawang ensiklikal na inilathala ng Santo Papa kasunod ng Lumen Fidei; at ito rin ang itinuturing na kauna-unahang ensiklikal na patungkol sa tamang pangangalaga sa kalikasan.