17,746 total views
Inihayag ni Batanes Bishop Danilo Ulep na mahalagang parangalan at kilalanin ang Mahal na Birheng Maria bilang ina ng Diyos at sanlibutan.
Ito ang mensahe ng obispo sa ginanap na kauna-unahang episcopal coronation ng Prelatura ng Batanes sa imahe ng La Inmaculada Concepcion de Batanes nitong December 9 sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria.
Ayon kay Bishop Ulep mahalaga ang pagdiriwang sa kasaysayan ng mga Ivatan kung saan ito ang natatanging paraan ng pagparangal gayundin ang hamong tularan ang gawi ng Mahal na Birhen.
“Ito ay pagpadama sa ating Mahal na Ina ng aming pagmamahal at pagdideboto at gusto naming ipangako sa ating Mahal na Ina na ipagpatuloy naming sikapin na tularan ang mga ipinakikita niyang magandang halimbawa kung paano maging tunay na tagasunod ni Kristo,” pahayag ni Bishop Ulep sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng obispo na ito rin ay hakbang upang mas mapaigting sa Batanes ang debosyong ipinamalas ng mga Dominikanong misyonero na unang nagpalaganap ng kristiyanismo sa isla noong 1783 sa pangunguna nina Fathers Balthasar Calderon O.P., at Bartholome Artiguez O.P.
Ikinagalak ni Bishop Ulep ang pagkakataong pangunahan ang pagputong ng korona sa patrona ng lalawigan at ng buong Pilipinas gayundin ang pagdalo ng daang-daang mananampalataya.
Nagbuklod din at nakiisa ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Batanes bilang pagpapakita ng suporta at pagparangal sa Mahal na Birhen.
Ginanap ang pagputong ng korona sa Immaculate Conception Cathedral and Sto. Domingo de Guzman Parish sa Basco kung saan katuwang ni Bishop Ulep si Cathedral Parish Priest Fr. Ronaldo Manabat habang si Radio Veritas anchor-priest at Batanes Chancellor Fr. Ramon Turingan ang nagbasa ng kalatas.