94,805 total views
Mga Kapanalig, sa tingin ba ninyo ay may improvement sa rule of law sa Pilipinas nitong nakaraang taon?
Ayon sa 2023 Rule of Law Index ng World Justice Project (o WJP), isang international nonprofit organization, bumaba sa ika-100 na puwesto ang Pilipinas sa ranking ng 142 na mga bansa. Batay sa scale mula zero hanggang one, kung saan ang score na one ay nagpapahiwatig ng pinakamataas na pagtalima sa rule of law, bahagyang bumaba ang Pilipinas sa score na 0.46 ngayong 2023 mula sa score na 0.47 noong 2022. Sinusukat ang Rule of Law Index ng WJP batay sa walong tema: limitasyon sa kapangyarihan ng pamahalaan, kawalan ng korapsyon, pagiging bukás ng gobyerno, mga batayang karapatan, kaayusan at seguridad, pagpapatupad ng mga patakaran, civil justice, at criminal justice. Ayon sa WJP, ang rule of law ay pundasyon ng isang masiglang lipunan kung saan natatamasa ang katarungan at mga oportunidad. Kaakibat din ng malakas na rule of law ang kapayapaan at kaunlaran.
Kung titingnan ang datos noong mga nakaraang taon, makikitang patuloy ang pagbaba ng ranking ng Pilipinas sa Rule of Law Index: mula sa ika-51 na puwesto noong 2015, bumagsak ito sa ika-102 noong 2021 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bahagyang tumaas lamang ang bansa sa ika-97 na puwesto noong 2022, ngunit muling bumaba ito nang tatlong puwesto ngayong taon. Kung ihahambing naman sa mga karatig-bansa natin, ikatlo ang Pilipinas sa Silangang Asya na may pinakamababang score ng rule of law. Sa madaling salita, nananatiling mahina ang rule of law sa Pilipinas.
Hindi nakagugulat na wala pa ring gaanong pagbabago sa kalagayan ng rule of law sa bansa matapos ang higit na isang taon ng administrasyong Marcos Jr. Nananatiling normal ang kwestyonableng alokasyon ng milyun-milyong confidential funds—o bilyun-bilyon para sa Office of the President—na kinukuha sa pera ng bayan at exempted sa masusing pagsisiyasat ng Commission on Audit. Nananatiling pinakamapanganib na bansa sa Asya ang Pilipinas para sa mga environmental defenders. Patuloy na nakararanas ng red-tagging, harassment, at karahasan ang mga aktibista, mamamahayag, NGOs, pati na ang mga mambabatas at ordinaryong mamamayang nananawagan lamang ng transparency at accountability mula sa gobyerno. Batay sa datos na nakalap ng grupong Karapatan, may 78 political prisoners, 60 extrajudicial killings, at 8 enforced disappearances sa unang taon pa lamang ng administrasyong Marcos Jr. Laganap pa rin ang impunity at halos wala pa ring napapanagot at napaparusahan sa mga paglabag ng gobyerno sa karapatang pantao ng mga mamamayang dapat nitong pinaglilingkuran.
Pinahahalagahan sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang rule of law. Sa kanyang mensahe sa mga abogado noong Agosto, idiniin ni Pope Francis na ang rule of law ay itinataguyod upang paglingkuran ang tao. Naglalayon itong protektahan ang dignidad ng bawat isa. Walang exempted sa rule of law, lalong-lalo na ang mga nasa poder na iniluklok ng taumbayan.
Mga Kapanalig, ipinapaalala sa atin sa Deuteronomio 16:19 na “huwag [nating] pipilipitin ang katarungan at huwag [tayong] magtatangi ng tao.” No one is above the law. Ngunit nakalulungkot na hindi ito ang katotohanan sa mga bansang katulad ng Pilipinas. Matamlay at hindi patas ang paglapat ng rule of law dito, lalo na kapag ang mga makapangyarihan at mga kaalyado nila ang lumalabag sa batas at umaapak sa karapatang pantao ng mga tinuturing nilang kalaban. Bagamat ito ang realidad ngayon sa ating bansa, hindi ibig sabihing wala na tayong magagawa. Ipaglaban nating manaig ang rule of law na magtatanggol sa dignidad ng bawat isa at magtataguyod sa isang malaya, maunlad, at demokratikong lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.