387 total views
Hinihikayat ng Military Ordinariate of the Philippines ang bawat mananampalataya partikular na ang mga kasapi Armed Forces of the Philippines at Philippine National Forces na suriin ang sarili bilang paghahanda sa paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, mahalaga ang pagsusuri ng budhi at paraan ng pamumuhay ng bawat isa upang maitama ang mga pagkakamali ng naaayon sa turo ng Panginoon.
Ipinaliwanag ng Obispo na sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal ay makakamit ng bawat isa ang kapatawaran at pagmamahal ng Diyos mula sa anumang pagkakamali o kasalanang nagawa sa buhay.
Sinabi ni Bishop Florencio na napapanahon ang pagninilay sa sarili, pagpapanibago at pagbabalik loob ngayong Semana Santa na paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus upang iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan.
“Papasok tayo ng Holy Week ang isang bagay na gusto kong ipayo is to keep ourselves open is on the examination of conscience because its contemplating on ourselves, our person, contemplating us saan ba tayo, ano ba ang ginagawa ko, what are those things na dapat kong mapalitan, dapat kong i-improve and all these things. So the examination of conscience that will lead us doon sa confession, because confession also a praying field moment wherein we can receive God’s forgiveness and God’s love para sa ating lahat…”pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Unang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kahalagahan ng Sacrament of Reconciliation o Sacrament of Confession na naglalayong magkaroon ng matatag na spiritual health ang bawat isa.
Ayon kay Pope Francis ang puso o ang diwa ng pangungumpisal ay hindi lamang ang pag-amin sa mga kasalanan kundi ang pagpapatawad at pagmamahal na nagmumula sa Panginoon sa kabila ng anumang pagkakamaling nagawa ng bawat isa.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng mga men and women in uniform mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).