187 total views
Hindi nararapat na gamiting batayan ng mga botante at maging ng mga kandidato ang mga nilalaman ng Social Media.
Paliwanag ni Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform, hindi lahat ng mga lumalabas, mababasa at makikita sa iba’t ibang Social Media sites ay tunay na opinyon ng mga botanteng sumusuporta sa mga kandidato.
Inihayag ni Casiple na bahagi lamang ito ng propaganda at istratehiya ng mga kandidato sa pangangampanya at pagkuha ng simpatya sa mga botante.
“Yung Social Media puwede mo ding i-set yan ang daming nakasulat dyan, ang question ko lang marami sulat diyan na ang sumulat ay kakampi nila so maging discriminative tayo”.pahayag ni Casiple sa Radio Veritas
Samantala, batay sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at ulat ng Nielsen Media Monitoring Report, umaabot na sa 6.7 bilyong piso ang kabuuang gastos sa political advertisement ng mga kandidato na tumatakbo sa dalawang pinakamataas na puwesto sa bansa bago pa man magsimula ang opisyal na kampanya noong ika-9 ng Pebrero.
Sa pastoral statement ng Catholic Bishops Conference of the Philippines noong 2010 kaugnay sa halalan, hinihikayat nito ang mamamayan at maging mga kandidato na ipasok ang spirituality at morality sa electoral process upang muling bigyang dangal ang sistema at estado ng politika sa ating bansa.