267 total views
Homily
His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle
Manila Cathedral
April 14, 2017
Araw ng pinakadakilang pag-ibig na nagpabago sa takbo ng mundo at kasaysayan.
Subalit araw din ng pag-aalala sa pinakamadilim na uri ng kamatayan na maaring maranasan ng isang tao.
Sabi ni Propeta Isaias sa unang pagbasa, hindi siya mukhang tao. Kung pagmamasdan ang taong pinahirapan tulad ni Hesus, magugulantang ang mga bansa, matitigilan ang mga hari.Kapag nakita nila ang kanilang nabalitaan,
hindi anyong tao ang kanilang makikita. At maari nating idagdag, hindi yata makatao ang gawin iyon sa kanya
kaya Siya hindi mukhang tao, luray-luray dahil hindi makatao ang naging trato sa Kanya.
Para ngang ang tanong, kaya bang gawin iyan ng tao sa kapwa tao? Tayo po ay pumapasok sa misteryo ng kasalanan, ganyan sumira ang kasalanan at kasamaan.
Sinisira tayo at sinisira ang iba sa pamamagitan natin. Kaya tao po sana ay mangilabot, hindi gawang biro ang paninira na kayang gawin ng kasamaan. Ang ating pagkatao ay kayang sirain at kapag sira ang ating pagkatao ay parang napakadali nang sirain din ang pagkatao ng iba, yan ang puwersa ng kasalanan at kasamaan.
Subalit si Hesus ay hindi mukhang tao sa panlabas lamang na anyo. Nagdilang anghel si Pilato ng kanyang iharap sa mga tao na nagsisigawan na kailangang ipako sa krus si Hesus. Sabi niya, ito ang tao kung sino iyong parang hindi mukhang tao ayon sa mundo. Litong-lito na siguro si Pilato pero siya ang nag-usal, ito ang tao. Nasaan ang pagkatao ni Hesus? Bago siya nalagutan ng hininga, sabi niya nauuhaw ako, saan siya nauuhaw? ano ang ibig niyang inumin?
Sa ebanghelyo rin na narinig natin, sinabi niya kay Pedro na isalong ang kanyang tabak kasi ipaglalaban siya.Pero sabi niya, huwag ibig kong inumin ang kalis ng paghihirap na dulot ng aking ama. Nauuhaw ako, ibig kong inumin ang kalis na inihanda ng aking ama, ang kalis ng aking misyon na tuparin ang pagliligtas ng mga makasalanan, kahit na ito’y magdadala ng paghihirap.
Mahal ko ang Ama, mahal ko ang aking mga kapatid. Iinumin ko ang kalis ng paghihirap, sa pag-inom ko sa kalis ng misyon na ibinigay sa akin ng ama, iinumin ko ang kalis ng misyon na magliligtas sa kapwa. Nauuhaw ako, at noong pinainom siya ng maasim na suka, sagisag ng pait at hirap na kanyang dinanas, sabi niya natupad na ang kanyang misyon, napawi na ang kanyang pagkauhaw. Para sa ama at para sa mga umalipusta sa kaniya, ibinigay niya ang sarili na may pagmamahal.
Mapait man itong inumin kung dito matutupad ang aking misyon, nauuhaw ako. At hanggat hindi ko ito naiinom hindi pa tapos ang aking misyon.
Tapos na, ibig sabihin natupad ko na. Dakila si Hesus pero nakakalungkot nung siya’y hinuhusgahan doon sa bahay ng punong pari, si Caipas, tinanong siya ano ba yang mga pinagagagwa mo, ano ba yang pinagsasabi mo at ikaw ay dinala dito para paratanganan? Nakakaawa po si Hesus, grabe ang tiwala niya sa mga kaibigan niya, ang lalim ng tiwala niya sa atin.
Sagot niya sa punong pari, lantaran akong nagtuturo wala akong inilihim, tanungin ninyo yung mga nakarinig sa akin, tanungin ninyo. At ang isang nakarinig sa kanya ng malimit ay si Simon Pedro. Pero nung tinanong si Simon Pedro, kasama mo siya ano, kasama ka sa mga kasama ni Hesus? sagot niya hindi. Wala nang makakapitan si Hesus pati yaong puwedeng magsabi ng totoo tungkol sa kanya tumakas, natakot, ang kakapitan na lang niya ay ang kanyang ama at ang pag-ibig para sa mga nagtaksil sa kanya.
Nauuhaw ako, nauuhaw ako sa misyon na dapat kung inumin at kapag nainom ko na yan, ganap na ang aking buhay. Iniyukayok na ni Hesus ang kanyang ulo, hindi bilang tanda ng pagkatalo kundi tanda ng natapos na ang misyon na ibinigay sa kanya.
Mga kapatid, lahat po tayo ay may misyon sa buhay at lalu higit may misyon katulad ni Pedro. Inaasahan ni Hesus tayo ang sasaksi sa kanya sa mundo. Kapag sinabi niya, tanungin ninyo sila kilala nila ako. Tutuparin ba natin yung ating misyon, mauuhaw ba tayo? nauuhaw ako gusto kong sumaksi kay Hesus, iyan ang gusto kong inumin, ipakilala sa mundo, kilala ko si Hesus. Hindi niyo ako mapipigil na magsalita tungkol kay Hesus. O tayo ba ay katulad ni Pedro? hindi ko siya kilala, mga kapatid ano ang ating kinauuhawan? mga kabataan na nandito saan kayo nauuhaw? uhaw na uhaw sa video games? parang isang minute na hindi makainom ng text, uhaw na uhaw na, parang mamatay na parang nasa disyerto na, hindi lang nasagot yung text, yung email ng kanyang crush parang kulang na lang ay mamatay sa uhaw. At hindi lang ang mga bata pati tayong mga hindi na bata, saan tayo nauuhaw? Uhaw na uhaw gumanti hindi makapaghintay, hahanap ako ng pagkakataon makagaganti rin ako, uhaw na uhaw sa dugo ng kapwa.
Diyan ba tayo nauuhaw? Mamaya-maya lalapit tayo sa krus pakinggan natin ang pagkauhaw ni Hesus. Nauuhaw ako para iligtas ang mundo, uhaw na uhaw naman tayo ipahamak ang sarili at ang kapwa. Sa paghalik natin sa krus, mangako tayo kauuhawan din natin ang misyon ni Hesus.
Tumahimik po tayo sandal, puntahan ang ating puso saan ako nauuhaw? at humingi tayo ng patawad sa Diyos kung ang ating pagkauhaw ay napakalayo sa pagkauhaw ni Hesus.