152 total views
Mananatiling mapagmatyag ang Greenpeace Philippines sa mga banta sa pagkasira ng kalikasan.
Ito ang inihayag ni Vince Cinches, Oceans campaigner ng grupo matapos umatras ang Viacom International Media Network at Coral World Park sa pagtatayo ng Nickelodeon Theme Park sa Coron, Palawan.
Nakatitiyak si Cinches na marami pang pagbabanta ang darating sa lalawigan kaya mananatiling aktibo ang kanilang grupo kaisa ang mga lokal na residente at Simbahan sa Coron Palawan.
“We would like to believe na meron pa, because alam mo naman yung greed, gustong kumita ng pera to the extent of our environment will still be there, but the commitment of Greenpeace and other organization, we will continue to monitor and be vigilant about any other proposed project that will destroy the environment and eventually displace the communities in the area. Patuloy namin itong babantayan,” bahagi ng pahayag ni Cinches sa Radyo Veritas.
Pinuri ng Greenpeace Philippines ang ginawang pangunguna ng Simbahang Katoliko sa pagbibigay ng proteksyon sa Coron, Palawan.
Ayon kay Cinches, matapang na pinamunuan ni Fr. Ed Pariño, Social Action Director ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan ang kampanya laban sa pagtatayo ng Nickelodeon Theme Park sa Coron.
“Greenpeace would like to congratulate everybody, those who are involved in the campaign from the start specially sa communities sa Coron, our Tagbanua brothers and sisters, and specially kay Fr. Ed Pariño, dahil yung Church ang Social Action sa Coron, they’ve been at the forefront actively campaigning and coordinating with different organizations in Manila, to make sure that the opposition against the proposed project ng Nickelodeon at Coral World Park ay hindi matutuloy sa community,” dagdag pa ni Cinches.
Matatandaang, labis ang kagalakan ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan matapos i-atras ang proyekto sa kanilang lalawigan, na sa simula pa lamang ay tinutulan na ng Simbahan dahil sa pagkasirang maidudulot nito sa kalikasan at sa kabuhayan ng mamamayan.
Aabot sa 400 hectares ang masasakop ng theme park kung natuloy ang pagpapagawa nito.
Ayon sa Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis, mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang papasok ng mga proyekto sa lipunan at ang mga ipatutupad na mga batas sa loob ng bansa.