165 total views
Two-in-one.
Ito ang paglalarawan ni Segunda Mana Program Manager Barry Camique sa isinasagawang Segunda Mana Expo sa Riverbanks Mall, Marikina City na kinatatampukan ng mga produktong mula sa dalawang social enterprise program ng Caritas Manila.
Ayon kay Camique, bida sa 4-day expo ang pinagsamang mga produkto na gawa ng micro-entrepreneurs sa ilalim ng Caritas Margins at secondhand items na donasyon naman sa Caritas Manila o Segunda Mana.
“It is a one-stop shop ika nga na kung saan habang ikaw ang nagiging mamimimili, nakakatulong ka talaga…
You are hitting two birds with one stone dahil nakakabili ka na ng magandang produkto, nakakatulong ka pa sa scholars ng Caritas Manila,” ani Camique.
Ang pondong malilikom ng Segunda Mana Expo ay pangunahing susuporta sa pag-aaral ng nasa 5,000 mahihirap na scholars ng Caritas Manila sa ilalim ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP.
Kaugnay nito ay inihayag ni Riverbanks Mall Leasing Manager Marites Alfaro na buo ang suporta ng kumpanya sa benefit project ng Caritas Manila na nagbibigay ng oportunidad sa maliliit na negosyante at umaagapay sa mga naisasantabi ng lipunan.
“Part din ng vision ng company (Riverbanks Mall) is to help the community. In this way, nakakatulong din kami sa mga nangangailangan. Naniniwala din kami na ang Caritas Manila ay isang organisasyon na tumutulong sa mga mahihirap at nangangailangan,” pagbabahagi ni Alfaro.
Una nang inihayag ni Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual ang pakikiisa ng organisasyon sa panawagan ni Pope Francis sa pagwawaksi ng kulturang patapon o ‘throw–away culture.’
Matatapos ngayong ika-28 ng Agosto ang Segunda Mana Expo.